PINURI ni incoming Senator Erwin Tulfo ang pagkakaaresto kay JJ Javier, ang sinasabing land grabber sa Doña Remedios Trinidad, Bulacan na umano’y nagpapalayas at kumakamkam sa mga timberland na sinasaka ng mga magsasaka.
Nasa kustodiya na ng Camp Crame sa Quezon City si Javier matapos siyang maaresto ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) noong Hunyo 13 dahil sa mga kasong Resistance and Disobedience to a Person in Authority, Using Fictitious Name and Concealing True Name, Obstruction of Justice, Operating a Vehicle with No License Plate, Illegal Possession of Firearms, at Illegal Possession of Explosives (Grenade).
Sa isang press conference noong Linggo, inihayag ng HPG na matagal nang nagtatago si JJ Javier dahil sa patong-patong na kaso gaya ng Syndicated Estafa at Robbery (Extortion). Nagpapanggap din umano siyang undersecretary ng isang ahensya ng gobyerno.
“Bagama’t nahuli si JJ Javier sa iba’t ibang mga atraso, at hindi sa land grabbing, maituturing pa rin itong tagumpay dahil isang kriminal ang nasa kamay na ng mga awtoridad,” ani Tulfo.
Nagpaabot din si Tulfo ng pasasalamat kay PBGen. Eleazar Maa sa mabilis na pag-aksyon sa kaso ni JJ Javier.
Tinuturing si Javier bilang mastermind sa pagkamkam ng mga forest land sa DRT, Bulacan. Kaya muling nanawagan si Tulfo sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at sa mga lokal na pamahalaan na, kasunod ng kanyang pagkakaaresto, ay agaran nang tanggalin ang mga ilegal na bakod at gate na humaharang sa daanan ng mga residente at magsasaka.
“Perwisyo ang dulot ng mga ilegal na harang na pinatayo ni JJ Javier. Kaya dapat agad na mapatanggal ang mga ito at tuluyan nang masawata ang land grabbing sa lugar,” giit pa ni Tulfo.
Matatandaang personal na nagtungo si Tulfo sa DRT, Bulacan, kung saan nasaksihan niya mismo ang mga ilegal na harang sa daanan ng mga residente. Agad din niyang pinatawag ang LGU at DENR Region III upang masolusyunan ito bago matapos ang buwan ng Hunyo.
“Ako mismo ang tumutulong sa inyo para tuluyan nang mawala si JJ Javier sa mga lupaing pagmamay-ari ng bawat Pilipino. Walang sinoman ang dapat manakot o manggipit para agawin ang lupain ng taumbayan” pagdidiin ni Tulfo.
Ang direktibang ipatanggal ang mga ilegal na harang ay kasalukuyang ipinatutupad ng LGU at DENR Region III.
