NANGAKO si Senador Erwin Tulfo, kauna-unahang senador na personal na bumisita sa iba’t ibang malalayong isla sa Palawan, na isusulong ang sapat na alokasyon ng pondo para sa mga ospital at mahahalagang imprastraktura sa lalawigan.
Ito ay matapos ang kanyang pag-iikot at personal na pakikipag-usap sa mga residente ng 12 munisipalidad sa lalawigan, kabilang ang Aborlan, Narra, Quezon, Kalayaan, Busuanga, Coron, Linapacan, Agutaya, Magsaysay, Cuyo, Roxas, Araceli, at Dumaran.
“Direkta nating kinausap ang mga local government units at ang mga residente mismo. Inuna na natin ang mga lugar na hindi naaabot ng serbisyo ng gobyerno,” pahayag ni Tulfo, na tumatayong Vice Chairman ng Senate Committee on Finance.
“Halimbawa, may mga local leaders, tulad nung sa Magsaysay, Cuyo, at Dumaran ang nagsabi sa akin na ako ang kauna-unahang senador ng Republika ng Pilipinas na bumisita sa kanila.
Napaisip ako, paano natin malalaman ang pangangailangan ng tao kung hindi natin sila kakausapin nang harapan?” dagdag pa ng senador.
Sa kanyang pagbisita, nakita ni Tulfo ang matinding kakulangan sa mga pasilidad pangkalusugan, kalsada, at mga pasilidad para sa sports at wellness. Higit sa lahat, maraming isla ang walang ports—isang malaking problema na dahilan kung bakit hindi agad madala sa ospital ang mga pasyente tuwing may emergency at humahadlang sa mga lokal na ilabas ang kanilang produktong pangkabuhayan.
Ayon kay Tulfo, ang konsultasyon sa nasabing lalawigan ay bahagi ng kanyang “grassroots-based policymaking” na pinangangatawanan niya sa Senado.
“Gusto ko munang makita mismo ang mga lugar at makausap ang mga tao para maipaglaban natin ang budget para sa mga proyektong kailangan nila, lalo na’t papalapit na ang deliberasyon para sa 2027 National Budget,” anang mambabatas.
“Kung alam natin kung nasaan ang mga proyekto, madali natin itong matututukan at mababantayan ang implementasyon nito bilang bahagi ng oversight powers ng Senado,” ani pa niya.
Habang iniikot ang 12 munisipalidad, nangako rin si Senador Tulfo na hindi lang pondo sa imprastruktura ang ipaglalaban niya, kundi magbibigay din ng agarang pinansyal na tulong tulad ng Sustainable Livelihood Program, at magbibigay ng mga sasakyan para mapabilis ang serbisyo sa mga lokalidad.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga LGU kay Tulfo dahil naramdaman nilang nakikita sila at may isang action man na direktang tumutugon sa kanilang mga matagal nang hinihiling.
67 