ESPERON IGNORANTE SA WPS – MATULA

BINATIKOS ng Federation of Free Workers (FFW) ang maling impormasyon ni Secretary Hermogenes Esperon Jr. hinggil sa West Philippine Sea (WPS) na pumabor sa China.

Ayon sa pangulo nitong si Atty. Jose Sonny Matula, malaking panlilinlang ang pahayag ng national security adviser na si Esperon na hindi kailanman pinahintulutan ng administrasyong Duterte na bakuran ng China ang ilang islang parte ng Pilipinas.

Ani Matula, malinaw ang impormasyon ng alkalde ng Pag-asa Island na nakuha na ng China ang Sandy Clay Island dahil nabakuran na ito.

Isinusog pa ni Matula, pinatunayan ni Esperon na ignorante ito sa totoong nagaganap sa WPS.

Binanatan ng FFW si Esperon dahil hindi matanggap ng isa sa mga malaking pederasyon ng unyon sa Pilipinas na kontra-mangingisda ang mga patakaran at pahayag ng sinomang opisyal ng pamahalaan, kabilang na si Esperon.

Ayon kay Matula na pangulo rin ng NAGKAISA Labor Coalition, maging ang NAGKAISA ay lampas-ulo ng tao ang pagkampi at pagsuporta sa mga mangingisdang Filipino.

“Hindi lang isinuko ang West Philippine Sea sa China, kundi ang karapatan ng mga mangingisda sa kanilang kabuhayan. Sa halip na pumosisyon para sa demilitarisasyon ng rehiyon, ang pivot to China policy ni [Pangulong Rodrigo] Duterte ay nag-imbita lamang lalo ng higit na militarisasyon ng WPS mula sa mga [bansang] superpower na wala sa anomang interes ng bansa, ng uring manggagawa at ng kapayapaan [ng Pilipinas],” banat ng NAGKAISA nitong Mayo 1, pandaigdigang araw ng mga manggagawa.

Tiniyak ni Matula na hindi pababayaan ng NAGKAISA at ng FFW ang mga mangingisdang Filipino sa laban ukol sa WPS. (NELSON S. BADILLA)

110

Related posts

Leave a Comment