ARESTADO ang tatlong drug suspect, kabilang ang isang 16-anyos na dalagitang estudyante, sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela City police chief, Col. Fernando Ortega ang mga suspek na sina Danilyn Ileto, 31, Marvin Manalotoc, 30, kapwa ng #5226 Demitillo St., Brgy. Gen. T. De Leon, Valenzuela City, at ang 16-anyos na dalagitang estudyante.
Ayon kay PSMS. Fortunato Candido, dakong alas-2:00 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna ni P/Lt. Joel Madregalejo, sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Robin Santos, sa pamumuno ni P/Col. Ortega, ng buy-bust operation sa Demitillo Street.
Nakabili kina Ileto at Manalotoc ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Bunsod nito, agad na dinamba ng mga awtoridad ang dalawang suspek kasama ang dalagitang bumili umano ng ilegal na droga sa dalawa.
Nakumpiska sa mga suspek ang 3 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P20,400 ang halaga, buy-bust money, tatlong cellphone at P470 cash. (FRANCIS SORIANO)
163 