INIUTOS ng House of Representatives of the Philippines ang pagsasagawa ng ethics probe laban kay Jesus Bong Suntay matapos ang kontrobersyal na pahayag nito tungkol sa aktres na si Anne Curtis.
Ang hakbang ay kasunod ng privilege speech ni House Committee on Women and Gender Equality chairperson at Laguna Rep. Ann Matibag na kumondena sa naging pahayag ni Suntay sa gitna ng impeachment hearing.
Matapos ang talumpati, nagmosyon si Assistant Majority Leader Ysabel Maria Zamora na irefer ang usapin sa House Committee on Ethics and Privileges at agad itong inaprubahan ng Kamara.
Inatasan din si Suntay na humarap sa pagdinig ng komite.
“I move to authorize the Committee on Ethics and Privileges to conduct a thorough assessment and require Representative Suntay to appear before the committee,” pahayag ni Zamora.
Sa kanyang privilege speech, iginiit ni Matibag na hindi lamang simpleng biro ang naturang pahayag.
“Ang usaping ito ay hindi lamang tungkol sa batas. Ito ay tungkol sa kultura ng respeto na nais nating itaguyod sa ating lipunan. Ang babae ay hindi biro, at ang dignidad ng kababaihan ay hindi kailanman dapat gawing katatawanan sa loob ng Kongreso,” ani Matibag.
Nagpahayag din ng suporta sina Sarah Jane Elago, Percival Cendaña at Dadah Kiram Ismula na nagsabing dapat maging ehemplo ang mga mambabatas.
Nauna nang humingi ng paumanhin si Suntay sa kanyang naging pahayag tungkol kay Curtis.
(TINA MENDOZA)
92 