ETO NA NAMAN TAYO

SA patuloy na pagdami ng mga kumpirmadong positibo sa nakamamatay na karamdaman, may bagong palusot na naman ang Department of Health (DOH).

Pag-amin ni Health Undersecretary Rosario Vergeire, tinututukan nila ang pagdami ng severe cases ng COVID-19, kasabay ng giit na kumu­kupas ang bisa ng bakunang nagbibigay proteksyon laban sa lintek na mikrobyo.

Pwedeng totoo lalo pa’t galing mismo sa isang eksperto. Pero pwede rin namang hindi batay sa paniwala ng mga diskumpiyado.

Kung pagbabatayan ang resulta ng pag-aaral ng mga dalubhasa sa siyensya at medisina, may sapat na dahilan para maniwala.

Pero bakit nga ba nalalagay sa kompromiso ang kaligtasan ng publiko kontra COVID-19?

Ang sagot — tumamlay kasi ang sigasig ng pamahalaan sa malawakang bakunahan.

Ang siste, iba ang palusot ng kagawaran. Ayon kay Vergeire, dala ng pagpapalit ng panahon ang pagdami ng mga kumpirmadong kaso, sabay hirit na ‘di naman aniya problema ang pagdadalhang ospital ng mga tinamaan.

Susmaryosep! Okay lang ang pagdami ng pasyente kasi marami pa namang bakante?

Para kay Vergeire, mahalagang manatili sa “manageable level” ang datos ng arawang kaso ng mga positibo.

Eh ‘di wow! “Manageable” na pala ang 270 bagong kaso kada araw. Sa simpleng kwenta, ang kada isang positibo ay pwedeng makahawa ng 11 katao. At ang mga walang kamalay-malay na nahawahan na, malamang naipasa na rin sa iba ang nakamamatay na mikrobyo.

Sa tala ng DOH, 14.5 milyon pa lang ang naturukan ng booster shots — malayo sa target na dami ng eligible population. Hindi pa kasama ang mga batang edad 5 hanggang 17 ha.

Ang masaklap, malaking bahagi ng supply ng bakuna ang halos mapanis na sa pagkakatago.

Magkano nga ulit ang inubos ng gobyerno para makabili ng bakuna? Malaki man o maliit, hindi wastong masayang lang kahit isang kusing.

178

Related posts

Leave a Comment