EVACUATION CENTERS BILL TINUTULUGAN SA KONGRESO

TINUTULUGAN sa dalawang kapulungan ng Kongreso lalo na sa Kamara ang panukalang batas na magtayo ng evacuation centers sa mga barangay sa iba’t ibang panig ng bansa.

Base sa record ng mababang kapulungan ng Kongreso, Nobyembre 18, 2014 (15th Congress) nang ihain ni Quezon Rep. Angelina Tan ang House Bill (HB) 3372 para magtayo ang gobyerno ng permanenteng evacuation centers sa bawat probinsya, city at municipalities sa bansa.

Maging sina dating Eastern Samar at ngayo’y Gov. Ben Evardone at dating Gabriela party-list Rep. Emmi de Jesus ay naghain ng kahalintulad na panukala noong 2014 at ini-refer ito sa House committee on national defense dahil ang Department of National Defense (DND) ang pinuno ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) subalit walang nangyari.

Noong 2015, naghain naman ng hiwalay na panukala sina dating Valenzuela congressman at ngayo’y Sen. Sherwin Gatchalian at dating AMIN party-list Rep. Sitti Djalia Hataman subalit wala ring nangyari.

Maging si Quezon City Rep. Alfred Vargas ay inihain ang kanyang HB 6487 na ni-refer naman ang panukala sa House committee on public works subalit hindi naipasa sa hindi maipaliwanag na kadahilanan.

Noong 17th Congress ay 6 pang panukalang batas ang naihain para rito at 11 ngayong 18th Congress subalit hindi pa rin ito umusad.

Kabilang na rito ang HB 5259 na inakda ng mga kinatawan ng Bayan Muna party-list na nagpanukala naman na magtayo ng isang evacuation center sa bawat dalawa o 3 barangay.

Base sa nasabing panukala, nais nilang magkaroon ang gobyerno ng evacuation center na kayang tumayo sa bagyo na may lakas na 300 kilometer per hour at lindol na magnitude 8.0.

“With quarantine facilities for covid patients occupying the normal evacuation centers in cities and provinces, and the successive battering of typhoons we are now experiencing; the need to fast track House Bill 5259 or the Evacuation Centers Bill becomes more apparent,” panawagan ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate sa bagong liderato ng Kamara. (BERNARD TAGUINOD)

213

Related posts

Leave a Comment