Ex-cadre sa publiko: Motibo sa likod ng ‘kawang-gawa’ suriin COMMUNITY PANTRY PAKANA NG CPP?

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

IGINIIT ng isa sa mga tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na makabubuti ang bayanihan o pagtulong ng Pilipino sa kanyang kapwa.

Kaya, hindi tutol ang NTF-ELCAC sa pagsasagawa ng community pantries ng kahit sinong Pilipino, kabilang na si Anna Patricia Non.
Ngunit, ang ipinagtataka ni Undersecretary Lorraine Marie Badoy sa community pantry ni Non ay ang paglulunsad ng news conference at pagkakaroon nito ng dollar account.

“Kami sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ay natutuwa sa pag-usbong ng pakikibahagian ng pagkain sa nangangailangan na noon pa man ay nangyayari na sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas — at nangyari lahat ng kabutihang asal na ‘yan na walang media coverage at walang pa-presscon”, banggit ni Badoy.

Totoo ang pahayag na ito ni Badoy na hindi bagong konsepto ang pagtutulungan ng mga Pilipino sa isa’t isa na walang media coverage at walang press conference.

Matatandaang pumutok ang community pantry ni Non sa Maginahawa Street sa Quezon City nang maibalita ito sa media.

Inihayag din ni Non sa media na minsang sinuspinde ang kanyang community pantry dahil umano sa “red-tagging”.

Kapag minarkahang pula, ibig sabihin konektado sa Communist Party of the Philippines (CPP) ang community pantries.

Nang sumikat ang community pantry ni Non ay maraming naggayahang mga tao at politiko.

Ngunit, walang media coverage at hindi nagpatawag ng press conference ang iba’t ibang organisador ng mga nasabing pagtulong sa kapwa.

Naibalita lamang sa media na marami nang nagsagawa ng pagtulong na katulad ng community pantry.

Kasama ang pamunuan ng Eastern Police District (EPD) ng Philippine National Police (PNP).

Sabi ng isa pang tagapagsalita ng NTF-ELCAC na si Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. na tinitiktikan ng nasabing ahensiya ang community pantry ni Non dahil posibleng pinasok at kinilusan ito ng mga kadre ng CPP.

Ibinatay ni Parlade ang kanyang punto sa diskarte ng tagapagtatag ng CPP na si Jose Ma. Sison na humihingi ng pondo na ilalaan umano sa mga organisasyon sa Pilipinas na nakikibaka upang mapahina ang pamahalaan.

Ngunit, kahit kailan hindi nagpaliwanag si Sison sa CPP at mga organisasyong kabilang dito tulad ng New People’s Army (NPA) at iba pang sikretong organisasyon kung saan eksaktong ginastos ang mga dolyar na ibinigay sa kanyang kampo.

Tahasang siningil ni Badoy ang mga organisador ng community pantry sa paghingi ng pera bilang donasyon sa kanilang aktibidad.
Kumbinsido si Badoy na hindi kailangang manghingi ng pera ang mga katulad ni Non.

“Hindi kailangan humingi ng cash na donasyon—lalo dollars. Sapat na ang pagbigay na kung ano ang kaya nating ibigay,” ratsada ni Badoy.

Ang isa pang mahalagang isyu na pinaniniwalaan ng NTF-ELCAC na posibleng pakulo ng CPP ang community pantries ay ang kontekstong manawagan ang ilang leftist organization na hikayatin ang mamamayang Pilipino na pababain si Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto.

“Kung pagbigay ng pagkain lang ang tunay na pakay n’yo, bakit may kailangan pang dugtong na patalsikin ang isang pangulong nahalal ng marapat at matuwid at ayon sa ating Saligang Batas na suportado at pinagkakatiwalaan ng nakararami sa atin,” bigwas ni Badoy sa mga kritiko ni Duterte.

Ang pangunahing matutuwa sa pag-alis ni Duterte sa Malakanyang ay ang CPP, lalo na ang mga beteranong pinuno nito na napakatagal nang naninirahan sa The Netherlands tulad ni Sison.

Kagyat namang makikinabang ang Liberal Party (LP) sa pangunguna ni Bise Presidente Maria Leonor Robredo.

Maraming nagsasabing hindi aktibista si Non kahit nagtapos ito sa University of the Philippines – Diliman sa Quezon City.

Ngunit, isang umano’y dating rebelde ang nagsalita na kilala niya si Non at may kaugnayan umano ito sa communist terrorist groups (CTGs).

Ayon kay Shane Valdez, dati umanong cadre ng CPP-NPA-NDF sa loob ng mahigit pitong taon, si Non ay affiliated sa Kabataang Artista Para sa Tunay na Kalayaan (Karatula).

Aniya pa, ang ama ni Non ay isa ring supporter ng kilusan.

“Galawang komunista ‘to. Ganun yan. Meron silang hidden agenda. Bakit nila ‘to ginawa? Binababoy nila yung diwa ng bayanihan, eh kasi imbes na tumulong ka, tumulong ka lang. ‘Wag mo ng bigyan pa ng pulitika, ‘wag mo na bigyan pa ng hidden agenda. Ginagawa mo pang dahilan ‘yan para mang-recruit eh, para sirain ‘yung gobyerno,” pahayag pa ni Valdez sa isang panayam.

364

Related posts

Leave a Comment