KRITIKAL umano ang isang dating pulis makaraang maka-engkuwentro ang mga pulis nang magtangkang takasan ang Quarantine Control Point sa Quezon City kaninang umaga.Natukoy ang mga suspek na ang mag-amang Joselito delos Santos, Sr. at Joselito, Jr., 24-anyos, kapwa residente ng Baesa, Caloocan City.
Ayon kay QCPD Chief Police Brigadier General Ronnie Montejo, dating nakatalaga sa kanilang yunit at nasibak sa tungkulin nuong taong 2018 ang nakatatandang delos Santos habang estudyante sa Criminology ang anak nito.
Batay sa paunang imrpomasyon ng Quezon City Police District (QCPD), unang pinigil sa checkpoint sa Circulo Verde, Bagong Bayan sa Quezon City ang Delica van (may plakang XCV 512).
Gayunman, sa halip na huminto ay humarurot papalayo ang sasakyan ng mag-amang suspek kaya’t hinabol sila ng mga pulis ng QCPD.
Hinarang umano ni Police Corporal Villamor Talosig gamit ang kanyang motorsiklo upang mapatigil ang van ngunit binundol pa rin ito ng tumakas na mga suspek.
Sugatan sa insidente ang pulis.
Umabot ng C-5 Road sa Barangay Ugong, Pasig City ang habulan hanggang sa mawalan ng kontrol ang drayber nito at bumangga sa bangketa.
Nang makorner ang mag-ama, bumunot umano ng baril ang nakatatandang delos Santos at ipinutok sa mga otoridad na mabilis namang nakaresbak. Matapos ang maikling palitan ng putok ay naaresto ang batang delos Santos habang sugatan ang kanyang ama na dinala na sa Rizal Medical Center (RMC).
Narekober sa mag-ama ang isang kalibre .9mm revolver at dalawang bala gayundin ang tinatayang 30 kahon ng alak na naglalaman ng tig-12 bote.
Nahaharap ngayon ang mag-amang delos Santos sa mga kasong paglabag sa Article 1 ng Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person in Authority); Article 155 (Alarm and Scandal); liqour ban; Illegal Discharge of Firearms at Illegal Possession of Firearms. JEFF TUMBADO
218
