PINABABAYARAN ng Commission on Audit (COA) ang humigit kumulang P11 milyon sa isang dating alkalde ng Taytay, Rizal kaugnay ng mga sablay na proyektong imprastraktura.
Sa kautusan bilang10-159, 10-160 and 10-161 nito lamang Oktubre 7, 2020, partikular na inatasan nina COA Senior State Auditors Marietta F. Paltao at Olivia I. Bautista si dating Taytay mayor Janet de Leon at siyam na iba pa na bayaran sa lalong madaling panahon ang P11 milyong ibinayad sa dalawang kontratista kaugnay ng mga palpak na proyekto.
Ayon pa sa COA, hindi pumasa sa itinakdang Quality and Safety Standards ng pamahalaan ang mga nasabing proyekto, batay na rin sa rekomendasyon ng kanilang Infrastructure Integrity Unit na siyang nagsagawa ng inspeksiyon at pagsusuri.
Bukod kay de Leon, kabilang din sa mga pinangalanamang responsable sa nasabing proyekto sina Taytay Engineering Officer-in-Charge Aries Borja, Engineering Staff Joel V. De Leon, Zoning Officer Arnel D. Garcia, Bids and Awards Committee chairman Atty. Aderis M. Dela Cruz, BAC members Engr. Edwin Dela Paz, Kathleen DL Ignacio at Illuminada Velasco.
Dawit din sa pinagbabayad ng nasabing ahensiya ang dalawang kontratistang nagsagawa ng mga naturang pagawaing bayan. Ito ay ang Marrox Trading and Construction at FLS Construction and Builders.
Ayon sa COA, binalewala ng mga nasabing respondents ang kanilang inilabas na Notices of Disallowance at itinuloy pa rin ang paglalabas ng pondo na siyang ipinambayad sa mga nasabing kontratista. Bukod pa sa hindi makatwirang pagbabayad ng nasabing LGU sa mga kontratista, lumabas pang “over-paid” din ang mga ito.
“Accordingly, the above-named persons liable shall pay the above amount immediately to the agency [COA] cashier. Failure to pay the same shall authorize the agency cashier to withhold the payment of salary and other money due the persons liable in accordance with COA Order of Execution to be issued to the agency cashier,” saad ng COA sa kanilang inilabas na final and executory order.
Inatasan din ng COA ang nakaupong municipal accountant na si Carina Arabit na siyang humagilap, magpabatid at magbigay ng kopya ng nasabing direktiba sa mga accountable respondents. (FERNAN ANGELES)
373
