EXTENSION NG MRT OPERATION MAPUPURNADA

UMAPELA ang isang mambabatas sa Department of Transportation (DOTr) na huwag gamiting dahilan ang pagpalya ng escalator sa Metro Rail Transit 3 (MRT-3) para tablahin ang kahilingan ng mga commuter na palawigin ang operasyon nito kapag sinimulan na ang rehabilitasyon ng Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA).

Sa halip, hiniling ni Akbayan party-list Representative Percival ‘Perci’ Cendaña sa kagawaran na magsagawa ng agarang pagsusuri sa operational system ng MRT-3 at ayusin ang mga dapat ayusin upang maiwasang magkaroon ulit ng aksidente.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag makaraang pumalya ang escalator sa Taft Avenue Station ng MRT-3 nitong nakaraang Martes na ikinasugat at naging dahilan ng pagkaka-ospital ng 6 na pasahero.

“Nakikita natin iyong ‘domino effect’ kapag hindi consistent ang safety audit ng mga train facilities natin. Hindi lang ito delikado, pero malaking hassle rin sa mga komyuter. Huwag na tayong maghintay ng mga kasunod na aksidente para magkaroon ng regular inspections at maintenance ang ating mga tren. Gawin na natin ito ASAP (as soon as possible),” anang solon. (PRIMITIVO MAKILING)

12

Related posts

Leave a Comment