FACE SHIELD POLICY NAKABITIN PA RIN

HINDI pa rin inaaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) for COVID-19 response ukol sa face shield requirement.

“Meron na pong desisyon,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque nitong Biyernes.

“Pero ito po ay for approval and possibly for announcement by the President himself,” dagdag na pahayag nito.

Samantala, ang Metro Manila mayors at ilang local executives, kabilang na ang anak ni Pangulong Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte ay isinantabi rin ang face shield requirement sa gitna ng bumababang COVID-19 cases sa buong bansa.

Nauna rito, nagbabala ang Malakanyang sa mga alkalde na sumasalungat sa mandatory face shield policy para sa ‘crowded at enclosed spaces.’

Kasunod ito ng pagpapatigil ng lungsod ng Davao, Manila, Iloilo sa pagsusuot ng face shield sa labas ng hospital setting.

Ayon kay Sec. Roque, ang lahat ng alkalde sa bansa ay nasa ilalim ng kontrol at pangangasiwa ng pangulo kaya’t dapat masunod pa rin ang polisiyang pagsusuot ng face shield.

Aniya, matitigil lamang ang pagsusuot ng face shield kung ipag-uutos ito ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Kasabay nito, umapela si Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa Local Government Units na hintayin ang desisyon ng IATF bago maglabas ng executive order kaugnay sa pagsusuot ng face shield. (CHRISTIAN DALE)

202

Related posts

Leave a Comment