HINDI rin sang-ayon ang PUNA sa panukala ng ibang opisyal ng gobyerno na magkaroon na ng face to face classes.
Sang-ayon tayo sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat ay mayroon munang bakuna bago ang face to face na pagpasok ng mga bata sa eskwela.
Mahirap na baka sa halip na makabuti ay makasama pa at biglang dumami ang may Covid-19.
Lalo na ngayon na may UK variant na tinatawag. Madali pa man din itong makapanghawa.
Mas nakakasiguro tayo na ligtas ang ating mga anak kung magkaroon muna ng bakuna bago sila payagan sa face to face class.
Kamakailan ilang mga medical experts ang nagsabi na hindi porke’t nabakunahan na tayo ay hindi na rin tayo magkakaroon ng covid.
Mahalaga pa rin ang pag-iingat o pagsunod sa health protocols.
Napakahalaga na magkaroon tayo ng sariling disiplina sa pamamagitan ng pagsusuot ng face mask at face shield.
Kailangan din manatili ang ating kaugalian na magdala tayong lagi ng alcohol at ugaliin ang paghuhugas ng mga kamay.
Kung dati ay balewala sa atin ang kalinisan at posibleng hawahan, dapat ngayon maging maingat na tayo sa tinatawag na “new normal”.
Iba na kasi ang panahon ngayon, maraming sakit ang mga naglalabasan na dahil na rin siguro sa labis na kaburaraan.
Hangga’t maaari may pananggalang tayo sa anumang posibleng sakit na maaaring makuha natin sa ating kapwa.
Kailangan sa lahat ng panahon ay maingat tayo. Kung dati ang uso sa inuman ay iisa lang ang baso na pinaiikot, ngayon ‘wag na natin gawin.
Napatunayan na natin na ang ganitong style ng inuman ay pinagmulan ng maraming hawaan ng Covid-19.
Sa ganitong tagay dito at tagay doon na style ng inuman lalo na sa mga kanto ay hindi lang Covid-19 ang maaaring maipasa sa ating kainuman kundi maging ang sakit na Tuberculosis o TB.
Marami tayong dapat baguhin dahil sa naranasan natin sa Covid-19.
Nang sa ganun kung magkaroon man ng iba pang sakit na nakakahawa na tulad nito ay hindi na ito masyadong makakapaminsala sa mga Pinoy.
Kaya big “NO” tayo sa face to face classes hanggat walang bakuna.
Bakuna muna, bago face to face classes.
Mahirap na kalaban ang Covid-19, ‘wag natin ilagay sa alanganin ang ating pamilya.
Kung maiiwasan natin na lumayo muna sa maraming mga tao ay gawin pa rin natin.
Tutal malapit na tayong magkaroon ng bakuna para sa covid.
Konting tiis pa, malalagpasan din natin ang pagsubok na ito.
Kailangan may malasakit tayo sa ating kapwa.
Bahala na si Lord sa atin, basta tayo ay gumagawa ng mabuti para sa tao.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0919-259-59-07.
