NAGHAHANDA na ang lungsod ng Caloocan sa posibleng unti-unting pagbabalik ng face-to-face classes.
Bahagi nito ang pagbubukas ng University of Caloocan City (UCC) EDSA Campus at Caloocan City North Medical Center (CCNMC) para sa mga estudyante at faculty members ng UCC na nais magpabakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Mayor Oscar Malapitan, ito ay upang maging handa sila sa panahon na payagan na ang face-to-face classes sa kolehiyo.
Nitong Setyembre 7, nasa 500 slots ang inilaan sa UCC-EDSA Campus para sa mga mag-aaral at faculty members sa South Caloocan, habang 300 slots naman sa CCNMC para sa Camarin at Congress Campus sa North Caloocan.
Layunin ng pagbabakuna na matiyak na lahat ng mga kawani, guro at mga mag-aaral ng unibersidad na may edad 18 pataas ay mabigyan ng proteksyon laban sa virus. (ALAIN AJERO)
