NAARESTO ng Quezon City Police District (QCPD) ang labing-isa katao na sangkot umano sa online illegal gambling operation sa lungsod noong Oktubre 24, 2025.
Ang operasyon ay bahagi ng kampanya ni QCPD Acting District Director PCol. Glenn Silvio laban sa lahat ng uri ng ilegal na sugal.
Kinilala ang mga suspek sa mga alias na Joel (35), Oliver (45), Florentino (49), Roel (45), Emerson (46), Jerwin (34), Angelito (43), Luis (47), Carlos (63), Alma (42), at Felicidad (56) — pawang mga residente ng Quezon City at Marikina City.
Ayon sa ulat ni PLtCol. Edison Quano, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), nakatanggap sila ng tip mula sa mapagkakatiwalaang source ukol sa ilegal na operasyon ng bookies at EZ2 games sa No. 9 Kamias Road, Brgy. Pinyahan, QC.
Lumabas sa imbestigasyon na gumagamit umano ang grupo ng Facebook Live para magsagawa ng hindi awtorisadong Small-Town Lottery (STL) draws, na walang pahintulot mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Agad nagsagawa ng operasyon ang CIDU at inabutan sa aktong nag-o-online betting ang mga suspek. Narekober sa kanila ang 9 notebooks, 13 cellphones, 9 calculators, betting paraphernalia, ballpens, at P4,070 cash na iba’t ibang denominasyon.
Natuklasan din na si alias Alma ay may warrant of arrest sa kasong estafa.
Kinasuhan ang mga naaresto ng paglabag sa RA 9287 (Illegal Numbers Game Law), RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012), at RA 1169 (Charity Sweepstakes Law) sa Quezon City Prosecutor’s Office.
“This successful operation proves that QCPD will never tolerate illegal online gambling in Quezon City,” ani PCol. Silvio. “We will continue to intensify our efforts to keep our communities safe and free from these illicit activities.”
(JOEL O. AMONGO)
17
