FINAL NA PANUKALA SA SUSPENSYON NG FUEL TAX NAISUMITE NA SA SENADO — SPEAKER DY

NAISUMITE na sa Senado ang pinal na bersyon ng panukala na magbibigay ng special powers sa Pangulo upang pansamantalang suspindihin o bawasan ang fuel excise tax, ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III.

Sa pahayag ng tanggapan ni Dy, ipinadala na ng House of Representatives ang House Bill No. 8418 sa Senado matapos itong lagdaan ng Speaker.

Kapag naaprubahan sa Senado, ipadadala ang panukala sa Malacañang para sa lagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Layunin ng panukala na mabawasan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, lalo na sa gitna ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon sa Kamara, pinahihintulutan ng panukala ang Pangulo na pansamantalang suspindihin o bawasan ang fuel excise tax upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.

Ang bersyon ng Kamara ay inakda nina Dy at House Majority Leader Sandro Marcos.

Sinabi ni Dy na patuloy na minomonitor ng Kamara ang sitwasyon sa Gitnang Silangan upang makabuo ng mga karagdagang hakbang para matulungan ang publiko.

“The House continues to monitor the developments in the Middle East… and work with the Executive to help our countrymen during these challenging times,” ani Dy.

Sa ilalim ng panukala, maaaring ipatupad ang suspensyon ng fuel tax kapag lumampas sa $80 kada bariles ang presyo ng langis batay sa Mean of Platts Singapore.

Kapag naipatupad, inaasahang bababa ng humigit-kumulang P6 kada litro ang presyo ng diesel at P10 kada litro naman ang gasolina at iba pang liquid fuel.

(TINA MENDOZA)

85

Related posts

Leave a Comment