FIRING SQUAD SA MGA CORRUPT?

CLICKBAIT

INIHAIN ni 1st District Zamboanga City Rep. Khymer Olaso ang House Bill No. 11211 o Death Penalty Corruption Act, at sakop nito ang lahat ng public officials, inihalal man o itinalaga, na mahahatulan ng Sandiganbayan sa mga kasong graft and corruption, malversation of public funds at pandarambong.

Ito ‘yung panukalang batas na kinasasabikan ng balana na maisabatas.

Kaya lang, kaabang-abang nga, kaso baka mahibang ang publiko sa kahihinatnan nito. Handa ba ang mga opisyal ng pamahalaan na harapin ang kaparusahan sa kanilang maling gawain?

Hamon ito sa mga mambabatas. Ang pumiyok, kayo na ang humusga.

Sa mga tutukod, kayo na ang bahala.

Umusad kaya ang panukala? Aber nga. Aba, kasama rin ang mga opisyal sa executive, legislative, judicial branches, mga nasa constitutional commissions, government-owned and controlled corporations, at iba pang sangay, kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). Lahat, hindi ligtas.

May sasandigan naman ang mga opisyal na napatunayang nagkasala at nilitis ng Sandiganbayan. Eto kasi. Walang opisyal, o miyembro ng militar o pulisya, ang maaaring bitayin maliban kung ang kanilang pagkakasala ay napatunayan ng Korte Suprema.

Dumaan na sa mandatoryong awtomatikong pagsusuri alinsunod sa itinatakda ng Konstitusyon at iba pang mga umiiral na batas ang hatol, at nagawa na ng akusado ang lahat ng mga legal na remedyo sa ilalim ng batas ng Pilipinas, kabilang na ang mga apela at motions for reconsideration.

Nauna nang nagpanukala nito si dating Executive Secretary Victor Rodriguez. Kung matatandaan ninyo, ang plano niya sakaling mahalal sa Senado ay ibaba sa P5 milyon ang threshold ng plunder mula sa kasalukuyang P50 million at pag nagawa niya ‘yan ay isusunod naman niya ang pagbabalik ng death penalty.

Itinuturing kasi ni Atty. Rodriguez na masahol pa sa heinous crime ang pagnanakaw kaya naman naaangkop ang parusang bitay sa mga mapatutunayang guilty rito.

Sakaling tukuran ng mga mambabatas ang panukalang ito ay makatitiyak na tayo ng kaparehas na version kapag naluklok din si Atty. Vic. Magkakaroon ng pag-asang mabitay ang mga magnanakaw sa kaban ng bayan.

Para makasiguro tayong uusad ang panukala, ihalal ang mga tunay na kontra korupsyon sa pamahalaan. Huwag iyong mga balimbing na nakatunganga lang kung saan ang grasya at tikom ang bibig kahit agrabyado na ang taumbayan.

o0o

Sunod-sunod na naglaban-bawi ang ilang senador sa kontrobersyal na Senate Bill 1979 o ang Prevention of Adolescent Pregnancy Bill.

Matapos pumalag si BBM dahil may malaswa raw sa panukala at hindi angkop sa kabataan lalo pa sa mga musmos, ay mabilis pa sa alas-4 na nagsipagbawi ng kanilang pirma ang magagaling na senador.

Obvious na natakot sila sa mga negatibong feedback sa panukala. Ang tanong, hindi ba nila binasa muna bago sila pumirma? O kaya ay ipinabasa at pinaaral man lang sa kanilang mga staff.

Trabaho nilang repasuhin ang mga panukala at iakma sa panlasa ng Pinoy para maging katanggap-tanggap sa lahat pero mukhang tamad talaga itong mga nasa Senado ngayon maliban sa iilan.

Kung trinabaho sana nila ‘yan ay nakita na nila noon pa ang mga pagkakamali o hindi naaangkop kung mayroon man. Puro kasi ayuda at pangangampanya na inaatupag eh.

Sabi ni Sen. Risa Hontiveros, maaari pang pagdebatehan ang panukala at wala rin doong isinasaad na anomang malaswa.

Iyon nga lang mukhang wala namang interesado sa pakikipagdebate ngayon. Marami na nga ang pumupuna sa napakalaking kaibahan ng Senado noon at ngayon. Noon daw ay nakikita ng taumbayan ang katalinuhan ng mga mambabatas dahil sa palagiang pagdedebate nila.

Kaya tama ‘yung isang meme na nakita ko sa X nung minsan. Paalala iyon sa mga botante, ang nakasaad doon:

Sa eleksyon, TAO ang iboto natin. Para naman mawala ang mga HAYOP sa gobyerno. Mismo!

7

Related posts

Leave a Comment