BATANGAS – Isang bangkang pangisda ang lumubog bandang alas-3:00 ng madaling araw nitong Miyerkoles, humigit-kumulang 2.25 nautical miles ang layo mula sa baybayin ng Sitio Talim, Barangay Luyahan, sa bayan ng Lian sa lalawigan.
Ayon sa ulat ng Coast Guard District Southern Tagalog, galing ang FV Unity World sa Navotas Fish Port at patungo sa Cuyo, Palawan upang kumuha ng mga isda nang hambalusin ito ng malalaking alon malapit sa Fortune Island sa Batangas.
Nagdesisyon ang kapitan na abandonahin ang fishing vessel bandang alas-2:00 ng madaling araw.
Ligtas naman ang lahat ng 11 tripulante ng bangka matapos makarating sa pampang ang mga ito gamit ang mga floating device.
Nasa mabuting kondisyon na ang mga ito at nasa pansamantalang pangangalaga ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Lian.
Ayon sa ulat, lulan ng bangka ang tinatayang 40,000 litro ng automotive diesel oil nang ito ay lumubog.
Kaagad namang nagtungo ang Coast Guard Sub-Station Lian sa baybayin ng Matabungkay para puntahan ang kinalubugan ng fishing vessel ngunit hindi nakapagpalunsad ng water assets dahil sa malalakas na alon.
Nagsasagawa na ngayon ang Marine Environmental Protection Enforcement Response team ng PCG sa Nasugbu at Coast Guard Sub-Station Lian ng shoreline monitoring at assessment operations. (NILOU DEL CARMEN)
