NAKATANGGAP ng tulong mula kay Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang mga biktima ng flashflood sa Sultan Kudarat, Maguindanao.
Sa pahayag, sinabi ni Go na isinagawa ng kanyang mga staff ang pamamahagi ng tulong sa Sultan Kudarat gym kung saan mahigpit na pinairal ang lahat ng health and safety protocols upang maiwasan ang posibleng pagkakahawa sa COVID-19.
Kabilang sa mga ipinamahagi ng tanggapan ng senador ang pagkain, food packs, face mask, face shields at gamot.
Maliban sa hatid na tulong sa lahat, ilan sa mga benepisaryo ang masuwerteng nabigyan ng bisikleta na magagamit sa kanilang transportasyon habang ilang mag-aaral ang nabigyan din ng tablet para sa kanilang distance at online learning.
Hindi naman nakaligtaan ni Go na paalalahanan ang mga estudyante na pagbutihin ang kanilang pag-aaral para sa kanilang mas magandang kinabukasan at para sa kanilang mga nagsasakripisyong magulang.
Maliban sa nakagawiang pagsama ng mga kinatawan ng DSWD, present din sa distribution para mamahagi ng tulong ang mga kinatawan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Ministry of Trade, Industry and Tourism; Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform o MAFAR; Ministry of Basic, Higher and Technical Education o MBHTE at Ministry of Labor and Employment o MOLE.
Binigyang-diin ni Go na magkasama ang mga ahensiya ng gobyerno at lokal na pamahalaan para tulungan ang mga kababayang nasalanta kaya hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga ito. (ESTONG REYES)
