PLANO ng Sandiganbayan na tapusin sa loob ng 120 araw ang lahat ng kasong pandarambong — lalo na ang maiinit na kaso ng flood control projects anomaly na kinasasangkutan ng mga bigating politiko.
Ibinulgar ito ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa budget deliberation ng korte na may P2.885 bilyong pondo. Ayon sa kanya, bumubuo na ng bagong panuntunan ang Sandiganbayan para pabilisin ang paglilitis.
Paalala ni Akbayan Rep. Chel Diokno, kung tatagal na naman ang kaso, baka makalusot ang mga tiwaling opisyal. “Mas matagal, mas mahirap panagutin,” aniya.
Pero inamin ni Rodriguez, may mga kaso pang nakabinbin simula 1987, kabilang ang Republic vs. Marcos, at 242 pang kaso na mahigit 10 taon nang nakatengga.
‘Natutulog sa Pansitan’
Samantala, binanatan ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio ang Office of the Ombudsman dahil tila wala raw ginagawa sa kabila ng bilyon-bilyong pondo kontra-korupsyon.
Mula 2018 hanggang 2025, nakatanggap na ito ng halos P11 bilyon para sa iba’t ibang programa — kabilang ang P5.7-B investigation program, P4.7B enforcement program, P245.7M confidential funds, at halos P437M para sa lifestyle checks. Sa 2026, humihingi pa sila ng P1.5-B dagdag pondo.
Pero giit ni Tinio, imbes na mabawasan, lumalala pa ang katiwalian, gaya ng isyu sa flood control projects.
“Anong silbi ng Ombudsman? Anyare? Natutulog sa pansitan!” buwelta niya.
Depensa naman ni Quezon Rep. Keith Mika Tan, sponsor ng budget, “sekretong nagtatrabaho” ang Ombudsman.
Pero banat ni Tinio: “Wow! Sa sobrang discreet, parang wala atang nakakaalam.”
(BERNARD TAGUINOD)
100
