SA kabila na napakarami ng flood control projects ang ipinatupad sa Laguna Lake, mistulang wala itong silbi dahil binabaha pa rin ang mga komunidad sa paligid ng lawa kapag panahon ng tag-ulan.
Dahil dito, inatasan ni Biñan Laguna Rep. Walfredo “Arman” Dimaguila Jr., ang House committee on ecology na rebyuhin ang lahat ng flood control projects sa paligid ng Laguna Lake at alamin kung kailangan ang isang master plan para maibsan ang pagbaha.
“Numerous flood control projects have been implement in and around the Laguna Lake region over the years by various government agencies, yet the area continuous to experience persistent flooding ang deteriorating water quality,” paliwanag ng mambabatas sa kanyang House Resolution (HR) 33.
Sinabi nito na napakahalaga ng nasabing lawa, hindi lamang sa mga taga-Laguna kundi maging sa Metro Manila dahil ito ang sumasalo sa tubig ulan upang maibsan ang pagbaha sa mga karatig lugar.
Maliban dito, sa Laguna Lake din aniya nanggagaling ang supply ng tubig at mga isda, bukod sa ginagamit din ito sa transportasyon kaya kailangang bigyan ng ibayong atensyon upang maresolba ang problema sa pagbaha.
Bukod dito, pababaw nang pababaw umano ang Laguna Lake kaya isa sa iminungkahi ng mambabatas na pag-aralan ng komite kung kailangang hukayin ito imbes na flood control projects ang gawin.
“A comprehensive master plan may be necessary to harmonize the effort of various stakeholders and develop long-term solutions that address flood prevention, environmental protection and sustainable development of the Laguna Lake region,” ayon pa sa resolusyon ng mambabatas.
Ang flood control projects ang isa sa pinakamainit na usapin ngayon sa bansa dahil sa kabila ng trilyong pisong nagastos na sa proyekto ay lalong lumalala ang pagbaha kapag umuulan, hindi lang sa Metro Manila kundi sa iba pang lugar sa bansa.
(BERNARD TAGUINOD)
