BILANG mahalagang panlaban sa katiwalian, hindi lamang sa executive kundi maging sa legislative at judiciary department, muling isinulong ng Liberal Party (LP) congressmen ang Freedom of Information (FOI) bill.
Katuwang ang Mamamayang Liberal (ML) party-list, pormal na inihain ng mga mambabatas ng LP na sina Caloocan City Rep. Edgar Erice, Dinagat Island Rep. Arlene “Kaka” Bag-ao, Muntinlupa Rep. Jaime Fresnedi, Albay Rep. Cielo Krisel Lagman at Oriental Mindoro Rep. Alfonso Umali Jr., ang House Bill (HB) 2897 o “People’s Freedom of Information Act of 2025”.
Ayon sa grupo, mahalaga ang panukala para mapagtagumpayan ang kampanya laban sa katiwalian sa gobyerno kasama na ang flood control projects, ghost projects na pinaiimbestigahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Bukod sa katiwalian, sinabi ng grupo na mahalaga rin umano ang nasabing panukala para labanan ang lumalalang paglaganap ng fake news at disinformation na ikinakalat ng mga netizen na hindi ibinubunyag ang pagkakakilanlan.
“As the country continues to be plagued by corruption in government and rapidly evolving forms of fake news and disinformation, and FOI bill shall equip the general public with the information necessary to combat these social concerns,” paliwanag ng mga ito sa kanilang panukala.
Sa ilalim ng Article III, Section 7 ng 1987 Constitution anila, may karapatan ang mamamayan na magkaroon ng akses sa official records, dokumento, at mga impormasyon na may kaugnayan sa mga ginagawa ng mga empleyado at opisyales, sa tatlong sangay ng gobyerno.
Gayunpaman, kailangan munang gumawa ng batas ang Kongreso para sa bagay na ito subalit matapos ang mahigit tatlong dekada mula nang aprubahan ang Saligang Batas ay wala pang nagagawang batas Kongreso.
Nakasaad sa panukala na unang isinulong ang FOI ni dating Sen. Raul Roco noong 8th Congress subalit hindi ito naging batas at noong 14th Congress ay kapwa ipinasa ito ng Senado at Kamara at maging sa Bicameral conference committee subalit tanging ang mga senador at nagratipika sa bicam report ang umayon kaya hindi naging batas.
Noong 16th Congress, muling pinagtibay ng Senado ang panukala subalit hindi rin naging batas dahil hindi inaksyunan ng Kamara ang kanilang bersyon dahil sa pangambang magamit ito laban sa kanila.
Wala ring naipasang panukala sa mga sumunod na Kongreso at bagama’t maliit ang tsansang maisabatas ito ngayong 20th Congress ay muli itong inihain ng LP congressmen.
(BERNARD TAGUINOD)
