FOR THE NTH TIME, DUQUE IDINIPENSA NI DUTERTE

MULI na namang ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Health Secretary Francisco Duque III sa gitna ng akusasyon laban sa kalihim kaugnay ng anomalya sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Giit ni Pangulong Duterte, hindi nakapagbigay ng kahit na anomang sapat na ebidensiya ang isinasagawang imbestigasyon ukol sa PhilHealth scandal laban kay Duque.

Masusing iniimbestigahan kasi ngayon ang PhilHealth hinggil sa corrupt practices gaya ng pagbili ng computers na sinasabing overpriced.

“I have read the findings. For the life of me, I can’t really find a good reason to prosecute an innocent man,” ang pahayag ng Pangulo sa kanyang public address, Lunes ng gabi.

Matatandaang inaprubahan ni Pangulong Duterte ang rekomendasyon ng Task Force PhilHealth na sampahan ng patung-patong na kasong kriminal at administratibo ang mga opisyal ng PhilHealth kabilang ang nagbitiw na si dating PhilHealth president at chief executive officer Ricardo Morales.

Sa katunayan ay binasa ng Pangulo sa kanyang nagdaang public address ang rekomendasyon ng Task Force PhilHealth.

“I have to read this because first, the issue of PhilHealth corruption was really an important issue to the Filipinos and everybody,” ani Duterte.

Samantala, tanging warning ang ibinigay kay PhilHealth chairman, Health Secretary Francisco Duque III.

Sinabi rin ng Pangulo na maaari namang patunayan ng mga sasampahan ng kaso na sila ay inosente kapag nagkaroon na ng paglilitis.

Ayon sa ulat, sapat ang nakalap na ebidensiya na magpapatunay na may “wrongful acts or omission” sa panig ng ilang matataas na opisyal ng PhilHealth. (CHRISTIAN DALE)

164

Related posts

Leave a Comment