NAGKASA ng pwersahang paglilikas ang lokal na pamahalaan ng Quezon City at Maynila bago pa man humagupit ang Super Typhoon Rolly sa kalakhang Maynila.
Sa Quezon City, iniulat ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office na may 75 pamilya mula sa Barangay Bagong Silangan, Tatalon, Doña Imelda, Apolonio Samson at Barangay Roxas ang inilipat sa evacuation centers.
Itinaas din sa Red Alert Status ang QCDRRMO at pinayuhan ang mga residente na mag-ingat sa posibleng epekto ng bagyo.
Sa Maynila, alas-9:00 ng umaga nang simulang ilikas ng mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang 120 pamilya sa Baseco at Isla Puting Bato sa Tondo.
Ito ay base sa direktiba ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kay Manila Disaster Risk Reduction Management Office Director Arnel Angeles.
Ang mga inilikas na pamilya ay mula sa Parola, Isla Puting Bato, Katuparan, Baseco, Happyland at Smokey Mountain.
Dinala ang mga ito sa evacuation center kung saan si Social Welfare Department chief Re Fugoso at ang kanyang team na ang sumalo at nagbigay ng pagkain at iba pang pangangailangan habang ang iba ay nanatili sa kanilang pansamantalang tutuluyan.
Binigyang-diin naman ni Mayor Isko ang mahigpit na pagpapatupad ng health protocols laban sa COVID-19 sa ginagawang paglilikas sa mga taga-Maynila na labis na apektado ng bagyo.
Para matiyak ang kaligtasan ng publiko ay binaklas ng MDRRMO ang mga tent at billboard sa buong lungsod.
Samantala, dahil sa masamang lagay ng panahon ay inanunsyo ng Manila City Government na kanselado ang RFID Sticker Caravan sa Bonifacio Shrine, Kartilya ng Katipunan at ito ay itinakda sa November 14. (RENE CRISOSTOMO)
