CEBU – Masusing sinisiyasat ng mga awtoridad ang posibleng naging sanhi nang pagbagsak ng isang gyrocopter na ikinasawi ng isang foreign pilot na nagpapalipad nito sa Barangay Jampang sa bayan ng Argao sa lalawigang ito.
Kinilala ang biktimang si Ferris Kauley, isang foreign national, na idineklarang dead on arrival sa pagamutan.
Unang iniulat na nasagip umano ng team mula sa Disaster Risk Reduction and Management Office, ang pilotong nagpapalipad ng sport aircraft at mabilis na itinakbo sa pagamutan ngunit namatay rin.
Base sa inisyal na pagsisiyasat ng Argao Municipal Police Office, isa sa mga anggulong tinututukan ng mga imbestigador, ay posibleng tinangay ng hangin o sumabit sa puno ang gyrocopter
Nabatid na sikat ang nasabing uri ng sport aircraft sa lugar dahil nirerentahan umano ito ng mga turista upang makita ang buong view ng Cebu.
Inaalam pa kung saklaw ng Civil Aviation Authority of the Philippine ang nasabing insidente. (JESSE KABEL)
130
