FOREIGNERS SA KITCHEN-TYPE SHABU LAB SA CAVITE TINUTUGIS

IPINAG-UTOS ngayon ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na kilalanin at tugisin ang mga sinasabing banyagang nasa likod ng nadiskubreng kitchen-type shabu laboratory sa Tanza, Cavite.

Sinasabing dalawang Indonesian nationals, isang Chinese-looking individual at isang Pinay ang sangkot sa nadiskubreng shabu lab kasunod ng naganap na malakas na pagsabog.

Nabisto ang operasyon ng shabu factory sa nirerentahang bahay sa Leon Fojas Street, Barangay Sahud-Ulan, Tanza, Cavite matapos ang naganap na pagsabog kung saan umano tumakas ang mga tenants ng nasabing bahay.

Nakita sa CCTV ng barangay Sahud Ulan na unang umalis ang dalawang lalaki sa Antero Highway na sinundan ng dalawa pang lalaki at dalawang babae.

Ayon sa PDEA nasa 20 kilos ng iligal na droga ang kayang likhain ng nasabing kitchen type shabu lab base na rin sa mga nadiskubreng drug paraphernalia, mga equipment, at iba’t ibang suspected chemicals na ginagamit sa paggawa ng Shabu .

Kasong paglabag sa Section 8 (Manufacture of Dangerous Drugs and/or Controlled precursors and Essential Chemicals) of Article II, Republic Act 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act ang inihahanda ngayon ng mga awtoridad habang tuloy-tuloy ang ugnayan sa pagitan ng PDEA, PNP at maging ng National Bureau of Investigation para sa posibleng follow-up operation. (JESSE KABEL RUIZ)

5

Related posts

Leave a Comment