ANIM na buwan matapos ibasura ang aplikasyon ng ABS-CBN sa panibagong prangkisa, binuhay ito ni Deputy Speaker at kilalang Star for All Seasons na si Vilma Santos-Recto.
Base sa dalawang pahinang House Bill (HB) 8298 na inakda ni Santos-Recto na binasa sa plenaryo ng Kamara ngayong Lunes at inendorso sa Committee on legislative franchise, nais ng mambabatas na bigyan ng panibagong 25 taong prangkisa ang nasabing network.
Magugunita na ibinasura ng nasabing komite na pinamumunuan ni Franz Alvarez ng Palawan ang prangkisa ng giant TV network noong Hulyo 10, 2020 matapos ang 12 pagdinig sa botong 70-11.
Kasunod ito ng natuklasan sa pagdinig ng komite na paglabag ng network mula sa labor code, foreign ownership, hindi pagbabayad ng tamang buwis, pagkiling sa mga pinapaborang kandidato at iba pa.
Gayunpaman, sinabi ni Santos-Recto na malaking kawalan ang ABS-CBN sa taumbayan lalo na sa malalayong lugar dahil mula nang mawala ang mga ito sa ere ay limitado na ang nakukuha nilang entertainment at impormasyon.
“Despite the growing popularity of social media, television still remaining as preferred mass medium in our provinces and other far-flung areas. ABS-CBN has remained steadfast in its commitments to reach out to as many Filipino as possible by delivering their quality core programs closer to our countrymen by taking advantage in emerging broadcast technologies,” ani Santos-Recto.
Hindi pa nagbibigay na kanilang pahayag sina Deputy Speaker Rodante Marcoleta at Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa panukala ni Santos-Recto subalit nang unang ilutang ng mga senador ang pagbibigay ng bagong prangkisa sa nasabing network ay agad pumalag ang mga ito dahil wala pa silang naririnig na repormang ipinatutupad ng nasabing network.
“Palagay ko mahirap itong pasimulang ito kung halimbawa pipilitin nila nang ganun…ano ito magko-cover-up tayo?,” pahayag noon ni Marcoleta lalo na’t hindi pa napatutunayan na pag-aari ng mga Lopez ang compound na pinagtayuan nila ng kanilang network sa Quezon City. (BERNARD TAGUINOD)
