HINDI kakayanin ng pamahalaan na bigyan ng COVID-19 test ang lahat ng mga nasa evacuation centers dahil sa Bagyong Rolly.
Iyan ang binigyang-diin ng Department of Health.
“Isa yung pagte-test for evacuation sites. It is the ideal. Ideally, kung meron tayong ganung resources at masasagawa, we can do that,” sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Pero aniya, hindi nila ito marerekomenda ngayon.
“So what we have recommended is for the symptoms screening and the assignment of safety officers in this kind of evacuation areas,” sinabi nito.
Libu-libo ang lumikas ng mga tahanan dahil sa bagyong Rolly.
Umabot na sa 16 ang kumpirmadong patay at 3 ang nawawala.
Base sa pinakahuling ulat ng pamahalaan, nasa 4.53 million indibidwal ang sumailalim sa testing ng COVID-19.
Sinabi ni Vergeire na ang mga evacuee na magpapakita ng sintomas ay kailangan maihiwalay agad.
“So ang pinakaimportante na ipinapatupad natin ngayon would be yung safety officers to regularly monitor all of these people inside these evacuation area,” sinabi niya.
“Para kung sinoman ang magkakaroon ng sintomas ay matatanggal agad, and we can prevent transmission,” dagdag nito. (CATHERINE CUETO)
