‘Full disclosure’ sa SALN, iginiit ni Calida QUO WARRANTO VS AJ LEONEN INIHAHANDA

NELSON S. BADILLA

HINDI pa naglalabas ng desisyon ang Korte Suprema hinggil sa panibagong kahilingan ng Office of the Solicitor General (OSG) tungkol sa pagsasapubliko ng Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) ni Associate Justice (AJ) Marvic Leonen.

Bukod sa SALN, kasama rin sa “Motion for Reconsideration” ng OSG sa mataas na korte ang iba pang dokumento kung saan nakasaad ang detalye ng mga ari-arian at yaman ni Leonen.

Umaasa ang OSG, lalo na si Solicitor General (SolGen) Jose Calida, na ilalabas ng mataas na korte ang SALN ni AJ Leonen sa pinakamabilis na panahon.

Ang nasabing 26-pahinang mosyon na nilagdaan ng mga pangunahing opisyal ng OSG, sa pangunguna ni Solgen Calida, ay ipinasa noong Oktubre 22.

Binigyan din ng kopya ang Judicial and Bar Council (JBC) at iba pang tanggapan at si Atty. Larry Gadon.

Ang hakbang ng OSG ay ibinatay sa liham – kahilingan ni Gadon noong Setyembre 7.

Oktubre 22 ang huling araw na itinakda ng Korte Suprema sa pagsusumite ng OSG ng motion for reconsideration makaraang ibasura ang unang kahilingan nito hinggil sa SALN at iba pang mga dokumento tungkol sa yaman ni Leonen.

Setyembre 11 unang isinumite ng OSG ang kahilingan nito sa mataas na korte at makalipas ang apat na araw ay ibinasura ito.

Sa naturang motion for reconsideration, inamin ng OSG na ang SALN at iba pang hinihinging dokumento hinggil sa ari-arian at kayamanan ni AJ Leonen ay gagamitin sa inihahanda nitong quo warranto laban sa mahistrado.

Si Leonen ay naging mahistrado noong Nobyembre 2012.

Magwawalong taon na si Leonen sa mataas na korte sa Nobyembre 29, ngunit batay sa isang pahinang dokumento ng Korte Suprema, umabot sa 82 pa ang mga kasong hindi nagagawa nito nagagawan ng ponente.

Dinaig pa siya ni Chief Justice Diosdado Peralta na magreretiro na sa 2022, pero tatlo na lang ang natitirang hawak na kaso.

Inamin ni Peralta na mabagal maglabas ng ponente si Leonen dahil mahaba itong magsulat ng kanyang mga ponente sa mga kaso.

Kung babalikan ang karanasan, si Leonen ay hindi pa nakagawa ng mga desisyon ng korte dahil hindi naman ito naging piskal, Regional Trial Court judge, Sandiganbayan justice, o Court of Appeals (CA) justice bago naging mahistrado ng mataas na korte.

Naging kasapi si Leonen ng faculty ng College of Law ng University of the Philippines mula 1989 hanggang 2010.

Ang layunin ng quo warranto ay ipatanggal si Leonen sa Korte Suprema dahil ang labinlimang taon o labinlimang ulit nitong hindi pagpasa ng SALN habang guro sa University of the Philippines – College of Law, ay pinaniniwalaang sadyang paglabag sa Kontitusyong 1987 ng bansa.

Ang isyu rito ay ang “integridad” na rekisito ng Konstitusyon sa lahat ng kawani ng pamahalaan, lalo na ng opisyal ng anomang ahensiya nito.

Ang paglabag sa Konstitusyon ang naging batayan ng mayorya ng mga mahistrado na nakasaad sa quo warrato ng OSG sa pagtanggal nila kay Ma. Lourdes Sereno bilang punong mahistrado ng mataas na korte noong 2018.

Binanggit ni Calida sa ikalawang mosyon nito sa Korte Suprema ang isa sa mga desisyon nito sa kasong iniakyat dito na hindi dapat maging hadlang, o rason, ang motibo at layunin ng mga taong humihingi ng mga pampublikong dokumento tulad ng SALN upang ipagkait at itanggi sa kanila ang mga nasabing dokumento.

Idiniin ni Calida sa motion for reconsideration na nakasaad sa Konstitusyon, partikular sa Seksiyon 7 at 8, na kailangan ang “full disclosure” ng SALN ni Leonen.

Ibig sabihin, konstitusyonal ang kahilingan ng OSG.

Ang “outright prohibition” sa paglalabas ng SALN ni Leonen ay taliwas sa nilalaman at layunin ng Republic Act No. 6713 at ng implementing rules and regulations (IRR) nito na nagsasabing mahalaga ang “full access of the public to SALN” kahit mayroong regulasyon ukol dito.

Pinagtibay ng Korte Suprema ang puntong ito ng R.A. 6713 nang sabihin nitong bagamat mayroong pinaiiral na regulasyon sa inspeksiyon at pagkopya ng mga nasabing dokumento, ang “public officers” na mayroong hawak ng mga rekord ng sinomang opisyal at kawani ng pamahalaan, wala silang “authority to prohibit access, inspection, examination, or copying of the records”.

Iginiit pa ng OSG na ang Korte Suprema ay mayroong desisyon noong Abril 15, 2005 (Hilado vs. Judge Reyes) na nagdeklarang labag sa batas na gamiting dahilan ang “regulasyon” upang ipagbawal, o harangin ang paglabas o pagbigay ng mga pampublikong dokumento tulad ng SALN sa mga taong humihingi nito.

Binanggit din ng OSG ang isa pang desisyon ng Korte Seuprema noong Hunyo 13, 2012 patungkol sa “duty” ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan na nangangalaga sa mga pampublikong dokumento na ilabas at bigyan ng “access” ang sinomang tao na humihingi, o humihiling ng mga pampublikong dokumento.

Inulit at iginiit ng mga mahistrado ang laman, layunin at utos ng Saligang Batas ng bansa sa nasabing kaso.

Ang Saligang Batas ay siyang pundamental na batas ng Pilipinas na tungkulin at obligadong kilalanin, sundin at ipatupad ng bawat Filipino, kasama ang mga mahistrado ng Korte Suprema.

Walang sinomang opisyal ng pamahalaan ang may kapangyarihan na labagin ang Konstitusyon o sadyang palabuin o sa pinakamasahol ay baguhin ito.

171

Related posts

Leave a Comment