Isang problema na inire-reklamo ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ang bagal ng proseso ng paggastos ng mga pondong inilaan para sa mga proyekto dahil sa dami ng mga dapat na daanan na proseso ng bidding o bago ma-award ang kontrata sa mga nanalong bidders.
Ang ekonomiya kasi ay lumalaki ayon sa pera na ginagastos sa isang bansa, kasama na rito ang perang pinambibili natin ng mga bagay na kailangan natin sa bahay o sa buhay, sa sweldong ibinabayad sa atin ng ating mga kompanya, ang perang ginagastos ng mga negosyante para sa pagtatayo ng mga pabrika o opisina para sa kanilang mga negosyo, sa mga ibinabayad sa mga insurance, at lahat pa ng ibang klaseng gastusin dahil ang ibig sabihin nito ay mas malaking tubo o sweldo o kita ng bawat isa.
Mas maraming pera ang ginagastos sa isang bansa, mas maraming tao ang may trabaho at dahil marami sa ating bansa ang walang trabaho ay milyon din ang mahirap.
Ang isang dahilan naman kung bakit takot ang pamahalaan na hindi kayang abutin ang tinarget na 6.1 porsyento na paglaki ng ekonomiya ngayong taon ng 2019 ay dahil hindi agad naipasa ang pambansang P3.744 trilyon na budget ng gobyerno bago nag-umpisa ang taon, hindi magagastos ang inilaaan na pondo sa mga proyekto nito.
Ang pinakamalaking gumastos ng pera kasi sa ating bansa ay ang pamahalaan kaya sa P1 trilyon na pondo na gagastusin nito para sa mga imprastraktura gaya ng tulay, kalye, building at pa-sweldo sa mga tao para sa mga proyektong ito at para sa P2.7 trilyon na pasweldo sa empleyado, at mga gamit, kuryente, tubig at iba pang gastusin sa mga opisina ng pamahalaan ay inaasahan sana na lumaki ang ekonomiya ng 6.1 porsyento.
Eh para mai-award ang anumang proyekto, kailangan na ito ay may pondong inilaan ng Kongreso bago umpisahan ang proseso ng bidding. Sa P1 trilyon na budget para sa imprastraktura, P200 bilyon pa lang ang nagagastos simula noong buwan ng Enero dahil walang budget na ipinasa ang Kongreo.
Para maabot ang target na 6 porsyento man lang na paglaki ng ekonomiya para matupad ng Malacañang ang pangako ni Digong na mas maraming trabaho para sa mga Filipino, kailangan na magastos mula Hunyo hanggang Disyembre ng taong ito ang P800 bilyon na natitira sa budget. (Usapang Kabuhayan /BOBBY CAPCO)
