Grade 1 hanggang Grade 10 target ng solons
MALAPIT nang ipagbawal sa mga elementary at high school student na magdala ng cellphone at iba pang electronic gadgets sa kanilang eskuwelahan.
Ito ay matapos talakayin sa House Committee on the Welfare of Children na pinamumunuan ni Tingog party-list Rep. Yedda Romualdez ang House Bill (HB) 5542 na inakda ni San Jose del Monte City, Bulacan Rep. Rida Robes na nagbabawal sa mga estudyante sa nasabing antas na magdala ng cellphone at electronic gadgets sa eskuwalahan.
Sa ilalim ng nasabing panukala, nais ni Robes na huwag payagan ang mga estudyante mula Grade 1 hanggang Grade 10 na magdala ng gadgets na makasisira sa kanilang konsentrasyon sa pag-aaral.
Maliban dito, layon ng nasabing panukala na solusyunan ang problema sa mental health issue na kinakaharap ng mga estudyante dahil sa sobrang paggamit ng gadgets.
Base umano sa pag-aaral ng Merkely noong 2018, lalong pumupurol ang isip ng kabataan dahil ang sobrang paggamit ng cellphones at iba pang electronic gadgets ay may mga negatibong epekto sa ugali ng mga ito.
Nagiging dahilan din umano ng ADHD o Attention deficit/ hyperactivity disorder ang pagkaadik sa cellphones at electronic gadgets sa mga kabataan kaya marami sa mga ito ngayon ay hindi masaya, gustong laging nag-iisa, nawawalan ng kaibigan, mainitan ang ulo, walang pasensya at iba pa.
“Mental health issues have become a major health problem especially among our young population and too much exposure and use of social media through our smartphones is one of its main reasons. It is time we confront this issue by imposing a clear and explicit policy in our schools,” ani Robes. BERNARD TAGUINOD
290 