GALAWAN NG SENADO PATUNGO SA PAGBASURA SA IMPEACHMENT CASE

MISTULANG ipinararamdam na ng mga senador na ibabasura nila ang Impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte kahit hindi pa nakikita ang ebidensyang hawak ng Prosecution team.

Ganito inilarawan ng isa sa 11 Prosecution team ng Kamara na si Iloilo Rep. Lorenz Defensor ang sitwasyon at hindi naitago ang pagkadismaya kay Sen. Juan Miguel Zubiri matapos sabihin ng huli na “witch hunt” ang impeachment case laban sa Pangalawang Pangulo.

“It’s very unbecoming of a senator-judge in an impeachment trial to say that the impeachment complaint and the trial is a witch hunt. Hindi dapat nanggagaling yun sa isang senator-judge who are expected to receive the evidence with impartiality and to treat the impeachment as a constitutional process,” ani Defensor.

Hindi si Zubiri ang unang senador na nagkomento na tila pabor kay Duterte kahit hindi pa nakikita ng mga ito ang mga ebidensya.

Kabilang sa mga ito sina Sens. Imee Marcos, Bong Go, Ronald dela Rosa at Robin Padilla kaya ngayon pa lamang ay binibigyan na umano ng mga ito ng ideya ang publiko kung ano ang mangyayari sa kaso laban kay Duterte.

“It affects the people’s perception of how the case will go about and how the trial will proceed. It’s telegraphing how they want the case to be decided early on, even before the evidence is presented,” ayon pa sa mambabatas.

Aminado si Defensor na political process ang impeachment case subalit kailangan aniyang pakinggan at suriin muna ng mga senador ang mga ebidensyang nakalap ng mga ito laban kay Duterte bago sila magsalita at magdesisyon.

Kailangan din aniyang bantayan ito ng sambayanang Pilipino dahil para ito sa bayan at maging babala sa mga susunod na “masamang lider” ng bansa na hindi nila basta-basta matatakasan ang kanilang pananagutan.

“Hindi pwede mangyari yun kung ganun lang kadali para maka-iwas ka ng pagtanggal sa ilalim ng konstitusyon na galing mismo sa mga tao as the sovereign of this country,” ayon pa sa mambabatas.

(BERNARD TAGUINOD)

40

Related posts

Leave a Comment