UMABOT na sa milyong piso ang nagagastos ng gobyerno para sa deportasyon at pangangalaga sa inarestong Chinese workers ng Pasay City-based Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub na sinalakay ilang buwan na ang nakalilipas.
Sinabi ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Undersecretary Gilbert Cruz, kasalukuyan na nilang pinoproseso ang deportasyon ng 180 Chinese workers na inaresto sa ginawang pagsalakay noong Oktubre dahil sa walang maayos na immigration documents.
“Kasi hindi naman po natin pwedeng pabayaan yung karapatan nila bilang tao. So kailangan pakainin mo sila, bigay mo sa kanila ‘yung mga dapat na ibigay. Kung may mga sakit po sila, pinapadala po natin sa ospital. Even po yung mga ganito po, ‘yung pagpapa-deport sa kanila, tayo rin po ang gumagastos,” ayon kay Cruz.
Gayunman, hindi makapagbigay si Cruz ng eksaktong halaga ng gastusin lalo pa’t “ongoing” ang deportation process.
Matatandaang natuklasan ng PAOCC at Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) na ang sinalakay na POGO hub nito lamang Oktubre ay mayroong “aquarium” o isang lugar kung saan pinipili ang mga biktima ng prostitusyon na kinabibilangan ng mga babaeng Chinese, Vietnamese, Korean, at Pilipino.
Natuklasan din ang iba’t ibang “torture devices” sa loob ng kuwarto kabilang na ang “heavy-duty tasers, airsoft guns, baseball bats, at wooden club.” Mayroon ding posas na nakasabit sa metal bar sa pader.
(CHRISTIAN DALE)
