NAGLUNSAD ng mental health caravan si Senador Sherwin Win Gatchalian sa Quezon City Science High School upang ipaalala sa mga mag-aaral na kung may pinagdaraanan man sila pagdating sa kanilang mental health, hindi nila kailangang pasanin ito nang mag-isa.
Ayon kay Gatchalian, maaari silang humingi ng tulong at may magagawa sila upang malampasan ang mga pagsubok na kanilang kinakaharap.
Aniya ang mental health caravan na pinamagatang “Tara, Usap! G?” ay sumusuporta sa pagpapatupad ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080), na isinulat at itinaguyod ni Senador Gatchalian.
Nabuo ang “Tara, Usap! G?” sa pakikipagtulungan ng Balik Kalipay Center for Psychosocial Response, PETA Lingap Sining, and Youth for Mental Health Coalition.
Gagamitin ng caravan ang forum theatre na paraan kung saan tampok ang pagtatanghal ng Philippine Educational Theatre Association (PETA) na sesentro sa mga pinagdadaanan ng mga mag-aaral sa kanilang seguridad at mental health.
Ayon kay Senador Gatchalian, mayroong batas upang itaguyod ang mental health at makakamit lamang ang layuning matulungan ang mga mag-aaral kung sama-samang magtutulungan.
Layon ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act na bumuo ng School-Based Mental Health Program na nagmamandato ng pagtatatag ng mga Care Center sa mga pampublikong paaralan.
(Danny Bacolod)
