PROYEKTO ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang flood control projects sa Bulacan na umano’y substandard.
Ito ang nilinaw ni House committee on public accounts chairman at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na nangangalap ng mga dokumento bilang paghahanda sa isasagawang imbestigasyon ng Tri-Infra Committee sa mga anomalya sa flood control projects.
Inihalimbawa ng mambabatas ang P96.4 million “Rehabilitation of River Protection Structure sa Bulusan, Calumpit, Bulacan na ipinatupad ng DPWH First District Engineering Office at St. Timothy Construction Corporation.
“The St Timothy project was in the Duterte administration-proposed 2022 NEP and 2022 GAA, but it was completed during the Marcos administration on 2 February 2023,” paglilinaw ni Ridon.
Ang St. Timothy Construction Corporation ay pag-aari umano ng mga Discaya na laman ngayon sa social media dahil sa pagkakaroon ng mahigit 40 luxury cars na ipinagmalaki sa kanilang interview. Mismong si Sarah Discaya ang umamin na nagsimula silang yumaman noong mag-DPWH sila.
Ayon kay Ridon, dahil nasa NEP noong 2022 at maging sa 2022 General Appropriations Act (GAA), indikasyon na mismong ang DPWH ang nagpanukala nito sa Department of Budget and Management (DBM).
Ang 2022 NEP ay huling budget proposal ng administrasyon ni Duterte na naging pambansang pondo at sinalo naman ito ng Marcos administration.
“On the other hand, the 77.19M Construction of Flood Mitigation Structures along Barangay Frances, Calumpit, Bulacan project implemented by the DPWH First District Engineering Office and Wawao Builders was in the 2023 NEP and the 2023 GAA,” ani Ridon kaya wala umanong kinalaman dito ang Kongreso.
Kahalintulad aniya ito ng ghost projects sa Brgy. Piel, Bulacan na personal na pinuntahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na hindi lang ikinadismaya kundi ikinagalit nito.
(BERNARD TAGUINOD)
