NANINDIGAN ang Partido Manggagawa (PM) na hindi ito pabor sa P8,000 wage subsidy na plano ng administrasyong Duterte.
Ayon sa tagapagsalita ng PM na si Wilson Fortaleza, hanggang sa kasalukuyan ay nananatili sa P10,000 kada buwan ang kahilingan ng nasabing samahan ng mga unyon ng mga manggagawa.
Idiniin din ni Fortaleza, ang P10,000 wage subsidy ay dapat ipamahagi sa lahat ng mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang pahayag ni Fortaleza ay reaksyon hiningi ng SAKSI Ngayon sa beteranong lider-manggagawa hinggil sa paliwanag ni Trade Secretary Ramon Lopez na P8,000 subsidiya sa isang milyong manggagawa kada buwan sa loob ng tatlong buwan.
Ang P8,000 wage subsidy ay isa sa mga nilalaman ng P1.14 trilyong National Employment Recovery Strategy (NERS) ng administrasyong Duterte.
Kasalukuyang pinaaaprubahan pa sa Kongreso ang NERS.
Ipinaliwanag ni Fortaleza na ang wage subsidy ay nakalaan lamang sa mga kumpanyang nagpapatuloy ang operasyon ngunit natitigil kapag sakop ng enhanced community quarantine (ECQ) at modified ECQ ang mga ito.
Para naman sa mga manggagawang tuluyang nawalan ng trabaho ay “employment guarantee” ng tatlo hanggang siyam na buwan ang kahilingan ng PM sa pamahalaan. (NELSON S. BADILLA)
