RAPIDO ni PATRICK TULFO
PINANGANGAMBAHAN nga na tumagal pa ng ilang linggo o buwan ang hidwaan sa pagitan ng US, Israel at Iran.
Ngayon pa lang ay malaki na ang epekto nito sa buong mundo, lalo na sa Pilipinas.
Tuluyan nang tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo at malamang susunod na rito ang presyo ng mga bilihin at pamasahe.
Dapat ay magkasa na ang gobyerno ng kanilang contingency plan sakaling magtuloy-tuloy ang kaguluhang ito.
Hindi kakayanin ng simpleng mamamayan ang napakataas na presyo ng bilihin.
Para sa isang empleyado na sumusweldo ng P8,000 kada buwan ay mahirap pagkasyahin ito sa isang buwan para lang makakain nang tama at masustansya. Hindi pa kabilang dito kung may pinapaaral na mga estudyante.
Maituturing na krisis na rin ito sa ekonomiya ng bansa kung saan kailangang maglagak ng pondo ang pamahalaan para sa mga apektadong mamamayan.
Umpisa pa lang ng pagbagsak ng ekonomiya ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mas magiging malaking problema kung makikisali ang bansang China sa gulo.
Napaulat nga na may mga usapin nang ginagawa ang China dahil sa pagkaabala ng kanilang mga produktong petrolyo na pangunahin nilang kinukuha sa Iran.
Kung sakaling sumali ang China sa gulong ito, maaaring iyon na ang umpisa ng world war dahil idadamay na nito ang mga kaalyado ng US, kabilang na ang Pilipinas.
‘Wag naman sana itong mangyari. Patuloy na lang tayong manalangin na tumigil na ang kaguluhang nangyayari sa Gitnang Silangan.
39 