GIYERA SA MIDDLE EAST UMEPEKTO NA SA PINAS

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

HINDI maiwasan na madadamay ang Pilipinas sa nangyayaring giyera sa pagitan ng Israel, Amerika at Iran dahil matapos na pumutok ang sigalot ay sinundan naman ito ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Natural, ‘pag tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo, kaakibat niyan ang pagtaas din ng presyo ng mga pangunahing bilihin na ginagamitan ng transportasyon.

Hindi maihahatid sa mga pamilihan ang mga produkto mula sa mga sakahan kung hindi nila isasakay sa mga truck na nagdedeliber nito.

Gumagamit ng mga traktora na pinatatakbo ng gasolina, ang local farmers kaya hindi lamang sa paghahatid ng mga produkto kundi maging sa kanilang pagtatanim ay gumagamit ng gasolina ang mga magsasaka.

Ngayon, dahil isinara ng bansang Iran ang Hormuz Strait kung saan dumaraan ang mga barko na may kargang produktong petrolyo, maghahanap ang mga kapitan ng barko ng maaaring madaanan para maihatid ang kanilang kargang mga produktong petrolyo.

Base sa ating natanggap na impormasyon, ang Strait of Hormuz ay shortcut sanang ruta para sa mga barko na may kargang petrolyo patungo sa kani-kanilang destinasyon, subalit nagbanta ang Iran na kanilang bobombahin ang mga ito kung ipagpapatuloy ang kanilang paglalayag sa nabanggit na karagatan.

Kaya ngayon pa lang ay tumaas na ang presyo ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas na umabot ng P70 hanggang P90 ang kada litro ang diesel. Ang diesel pa man din ang ginagamit ng mga pampasaherong sasakyan sa Pilipinas.

Dahil sa pagtaas na presyo ng mga produktong petrolyo, kasunod niyan ay hihirit ang mga manggagawa ng taas-sahod.

Mahina ang negosyo sa Pilipinas dahil sa nangyayaring korupsyon, paano na si Juan dela Cruz?

Ngayon maraming overseas Filipino workers (OFWs) ang gustong umuwi dahil naiipit sila sa giyera sa Gitnang Silangan. Ano ang daratnan nila sa Pilipinas? Siyempre magiging tambay sila.

Nasa mahigit dalawang milyon ang OFWs sa iba’t ibang bansa sa Middle East, na kapag lumala ang giyera sa pagitan ng Israel, Amerika at Iran ay mapipilitan silang uuwi.

Pag-uwi nila sa Pilipinas ay magiging tambay lamang sila. Ano ang magiging tulong sa kanila ng gobyerno? Lalo na ngayon nalimas ang pondo ng pamahalaan ng mga tiwaling politiko.

Kung naging masinop sana ang gobyerno, ginamit ang pondo sa tama ay may bubunutin ang pamahalaan para pantapal sa biglaang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ano maitutulong ng gobyerno ngayon sa mga Pilipino? Ngayon, maraming OFWs ang gusto nang umuwi ngunit hindi mapauwi dahil sa kakapusan ng pondo ng pamahalaan.

Sige, kung hindi kapus ang gobyerno sa pondo ay patunayan n’yo, pauwiin niyo ang mga OFW na naiipit ngayon sa Gitnang Silangan.

Ngayon, maghihintay na lang tayo ng himala na sana ay matigil na ang giyera sa Middle East.

Ang pinakabuti ngayon ay magdasal tayo dahil walang ibang makatutulong sa atin kundi ang Amang nasa langit dahil kapag siya ang kumilos ay walang imposible at matitigil ang giyera na ‘yan.

oOo

Sang-ayon tayo sa ginawang pagpapalakas ng ugnayan ng lokal na pamahalan ng Malabon City sa Filipino-Chinese communities sa isinagawang 3rd Filipino-Chinese Cultural Festival kamakailan.

“Ang ugnayang ito ay ating pinapalakas para sa patuloy na pag-unlad ng bawat buhay, kultura, at tradisyon. Sa pagkakataong ito, ating ipinamamalas ang talento at kakaibang ganda ng kasaysayan, tradisyon, kultura, at sining na ating ipinagmamalaki,” ayon kay Malabon City Mayor Jeannie Sandoval. Mabuhay ang mga taga-Malabon!

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

358

Related posts

Leave a Comment