NAGSIMULA nang umusad ang nakahaing kaso ng maramihang pagpatay at bigong pagpatay laban kay dating Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr. sa Manila Regional Trial Court.
Sinimulan nitong Miyerkoles ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 51 ang pre-trial para sa multiple murder, frustrated murder, at attempted murder charges kaugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba.
Si Teves ay dumalo sa pagdinig sa pamamagitan ng video teleconferencing. Kumatawan naman sa kanya sa korte ang isa sa kanyang mga legal counsel na si Atty. Andres Manuel.
Habang ang panig nina Degamo ay kinatawan naman ng kanilang abogadong si Atty. Andrei Bon Tagum.
“After the pre-trial, nag-agree ‘yung mga parties sa mga susunod na mga hearings including the bail hearing for the petition for bail,” ani Tagum.
Itinakda ni Branch 51 Manila RTC Judge Merianthe Pacita Zuraek ang susunod na pagdinig sa Setyembre 5, 2025.
Magugunitang pinaslang umano ng mga tauhan ni Teves si Gov. Degamo habang namamahagi ng ayuda sa kanilang compound sa bayan ng Pamplona, ng sumalakay ang anim na armadong kalalakihan na pawang nakasuot ng military fatigues at agad na pinaulanan ng bala ang mga biktima.
(JESSE RUIZ)
