PINAIIMBESTIGAHAN ng isang grupo ng mga mambabatas sa House committee on banks and financial intermediaries ang nangyaring hacking sa account ng ilang kliyente ng Banco De Oro (BDO).
Sa House Resolution (HR) 2405 na inakda ng mga kinatawan ng Bayan Muna, nagpahayag ang mga ito ng pagkaalarma matapos mapasok ng hackers ang BDO.
“As representatives of the people, Congress should protect the welfare of the Filipino people against these fraudulent activities, especially amid the pandemic and economic crisis,” ayon sa resolusyon ng mga kinatawan ng nasabing grupo sa Kamara.
Base sa mga impormasyong nakarating sa mga mambabatas, daan-daang libong piso na deposito ng mga kliyente ng BDO ang nailipat sa account ng isang “Mark Nagoyo” sa Unibank.
“A public group named “Mark Nagoyo BDO Hacked” now with over 2,200 members who are supposedly victimized by the hacking, has been created following the incidents. Some victims posted pictures of texts and email that shows the unauthorized fund transfers,” ayon pa sa resolusyon.
Inamin anila ng BDO Unibank na nabiktima ang mga ito ng hacking at naapektuhan ang ilan nilang kliyente. Pagtiyak din ng bangko, naglagay na umano sila ng karagdagang security control bilang proteksyon laban sa hackers.
“More than the admission of the occurrence of security breach or fraud and pursuing reactive measures, the members of the banking industry, as well as the BSP, should put in place more protective measures and policies to protect the interest of the public and the integrity of the banking transactions,” ayon sa mga kongresista.
Kailangan din anilang ibalik agad ng BDO ang pera ng mga depositor na ilegal na nawala sa kanila.
Seguridad kontra ‘online mandurukot’
Para naman kay Senator Joel Villanueva, kung ang ordinaryong mamamayan ay bantay-sarado sa kanilang pitaka laban sa mandurukot, ganun din sana ang pagsisikap ng mga bangko laban sa mga “online mandurukot” na ang biktima ay karaniwang manggagawa at ang kanilang pinaghirapang sweldo at deposito.
“Sana po laging safe ang pera sa payroll ng parehong negosyante at manggagawa sa mga bangko,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee.
Dagdag pa ng senador, dapat umanong tingnan ng gobyerno ang mga security breach sa isang bangko na isang pag-atake sa bansa, hindi lamang sa iisang institusyon.
“Hindi lang po ito isang kumpanya. Ang reputasyon po natin bilang bansa ang nakataya dito. Hindi maaaring ituring ang Pilipinas na may maluwag na banking system dahil makikita itong isang
malaking kahinaan ng mga kriminal,” ani Villanueva.
Kailangan aniya ng isang mabilis na solusyon dito para hindi tayo makita na “prime destination” sa cybercrime at hackers.
“Ang paglutas sa krimeng ito, kasama ang pagkilala sa mga may sala at ipaliwanag kung paano nangyari, ay magpapadala ng malinaw na mensahe sa mamamayan na ligtas ang kanilang pinaghirapang pera sa mga bangko,” sabi pa ni Villanueva.
Hinimok niya ang gobyerno na magtatag ng isang inter-agency task force na mag-iimbestiga sa nangyari at magtatalaga ng mga panuntunan para hindi na ito maulit.
Anomang pagkabalam aniya ay magdudulot ng pagkadismaya sa banking system, isang relasyong naka-ugat sa tiwala.
Aniya, maaaring ang Department of Information and Communications Technology, Bangko Sentral ng Pilipinas, National Privacy Commission, National Bureau of Investigation, at iba pa ang mga maging kasapi ng inter-agency task force. (BERNARD TAGUINOD/ESTONG REYES)
116