Idineklara bilang non-working holiday ang ika-5 ng Hunyo bilang pakikiisa sa ating mga kapatid na Muslim sa pagtatapos ng Ramadan o Eid’l Fitr. Kasabay nito ay nakiisa rin ang bansa sa World Environment Day.
Ang World Environment Day ay inilunsad ng United Nations upang magpalaganap ng kaalaman ukol sa kasalukuyang kalagayan ng ating kapaligiran. Isa rin itong paraan upang mahimok ang mga tao na makilahok sa adbokasiyang ito. Sinimulan ito noong 1974 at ngayo’y ipinagdiriwang na sa humigit kumulang 100 bansa.
Dahil akma sa okasyon, bilang pakikiisa sa adbokasiya ng pagkakaroon ng mas malinis at ligtas na kapaligiran, inanunsyo ng Meralco na ito ay magsisimula nang gumamit at mamuhunan sa green energy. Inanunsyo nito sa publiko ang proyektong 1,000 Megawatt (MW) na green energy. Isa itong malaki at positibong hakbang na nagpapakita na ang Meralco, bilang pinakamalaking distribyutor ng kuryente at pinakamalaking pribadong utility sa bansa, ay handang yumakap sa pagbabago – ang pagpapalaganap ng paggamit ng green energy.
“As we celebrate the World Environment Day, we announce that we are developing 1,000 MW of renewable energy projects in the next 5-7 years, joining the inexorable shift to renewable energy and the adoption of sustainable practices in everything we do,” ani Meralco President and CEO Atty. Ray C. Espinosa.
Ang hakbang na ito ng Meralco ay pamumunuan ng MGen. Renewable Energy, Inc. (MGreen). Ito ang mamamahala sa pagtulak sa mga proyekto at adbokasiya ng Meralco ukol sa green energy gaya ng solar, wind at run-of-river hydro. Layunin ng bagong kompanyang ito na suportahan ang umuunlad na ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pag-aambag ng karagdagang supply ng kuryente sa bansa. Nais ding siguraduhin ng kompanya ang pagkakaroon ng green energy na abot-kaya.
Ang MGreen ay pagmamay-ari at kabilang sa mga sangay ng Meralco PowerGen Corporation (MGen), ang power generation arm ng Meralco.
Sa pahayag ni MGen President and CEO Rogelio L. Singson, ang hakbang na ito ng Meralco ay nakahanay sa kabuuang plano ng MGen, na nakatuon sa pagsusulong ng mga proyektong may kinalaman sa green energy at sa paggamit ng makabagong teknolohiya gaya ng High Efficiency, Low Emission (HELE) para sa mga baseload na planta ng kuryente sa bansa.
Ang Meralco, kasama ang mga sangay nito, ay patuloy na nakikipagtulungan sa pamahalaan. Sa pamamagitan nito, umaasa ang One Meralco family na magiging mas mabilis ang pag-unlad ng Pilipinas. Tara na’t makiisa sa pamahalaan para sa mas maliwanag na bukas para sa atin at sa susunod na henerasyon. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)
