DAHIL sa hindi mapigilang paglobo ng inflation rate, nabawasan na ng P88 ang P570 minimum wage sa National Capital Region (NCR) kaya naglalaro na lamang ito sa P482.
Kabilang ito sa rason ng mga manggagawa sa NCR wage board hearing kahapon sa Pasay City kaugnay sa kanilang petisyon na itaas ng P100 ang arawang sahod sa Metro Manila.
“As of January 2023, workers have lost P88 in the value of the P570 minimum wage due to inflation. Thus, P100 is necessary to recover the purchasing power of workers’ wages,” ani Judy Miranda, secretary general ng Partido Manggagawa.
Mas humina ang halaga ng minimum wage sa NCR dahil hindi pa rin napigilan ng gobyerno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang paglobo ng inflation mula Pebrero hanggang Hunyo.
Inihain ng nasabing grupo ang petisyon noon pang December 2022 subalit kahapon lamang sinimulan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagdinig.
Sa ngayon ay naghihintay pa ang nasabing grupo kung kailan itatakda ang pagdinig sa kahalintulad na petisyon para sa mga manggagawa sa Region IV-A, 6 at 7 kaya nangalampag ang mga ito sa DOLE.
Mas mababa ang petisyon na ito sa P150 legislative across the board wage increase na inaprubahan ng Senado na kahalintulad ng panukala ni TUCP party-list Rep. Raymund Democrito Mendoza.
Samantala, hindi rin isinusuko ng mga miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara ang kanilang panukalang batas na itaas ng P750 ang sahod sa buong bansa dahil sa ngayon ay P1,160 ang dapat kitain ng isang manggagawa para mabuhay nang marangal na malayo sa P570 sa NCR at P350 sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). (BERNARD TAGUINOD)
