HALOS 2M NAKIISA SA NATIONAL PEACE RALLY

(JESSE KABEL)

HUMIGIT kumulang dalawang milyon ang nakiisa sa National Peace Rally ng Iglesia ni Cristo kahapon sa Quirino Grandstand sa Maynila.

Sa initial estimate na ibinahagi ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office, bandang alas-11:00 ng tanghali ay mahigit 1.2 milyon na ang crowd estimate sa Quirino Grandstand.

Una rito ay tiniyak ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines-Joint Task Force NCR na magpapakalat sila ng sapat na pwersa para tumulong sa pangangalaga at pagsasaayos ng peace rally.

Nakipag-ugnayan din ang PNP, AFP, National Disaster Risk Reduction Management Council at Metro Manila Development Authority sa INC rally organizers na nagtalaga rin ng kanilang Incident Management Team para tiyaking magiging maayos at mapayapa ang rally.

Ayon kay PNP chief General Rommel Francisco Marbil, ipinatupad ng government security agencies ang comprehensive security plan na kanilang inilatag noong Traslacion 2025.

Bukod sa coordination sa INC organizers, mayroon din aniya silang traffic at crowd control measures na ipinatutupad at mayroon ding deployment ng mga police personnel sa strategic areas.

Sa datos ng National Capital Region Police Office (NCRPO), hindi bababa sa 5,000 pulis ang kanilang ipinakalat sa Quirino Grandstand, bukod pa sa deployment ng mga pulis sa iba’t ibang mga lalawigang pinagdarausan ng pagtitipon ng INC.

“In light of the significant turnout, extensive emergency response measures have been implemented to ensure the safety and well-being of all attendees,” ayon sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

Sinabi ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ng Office of the Manila Mayor, Linggo pa lamang ay inihanda na ng Manila Traffic and Parking Bureau ang mga kalsada patungo sa Quirino Grandstand.

Nakahanda rin ang Manila City government sa matinding trapiko at pagdami ng mga tao. Kasama rin sa preparasyon ang rerouting at pagsasara ng ilang kalsada para maging magaan ang daloy ng trapiko.

Magugunitang kinansela ng Malakanyang ang pasok sa paaralan at opisina sa lungsod ng Maynila at Pasay dahil sa nasabing pagkilos.

Mga Politiko Dumalo

Kabilang sa mga politikong unang dumating sa pagtitipon sina Senador Bato dela Rosa, Francis Tolentino at Robin Padilla.

Pawang nagpahayag ng kanilang suporta sa rally ang mga nabanggit na senador.

Ayon kay Padilla, sinusuportahan niya ang panawagang pagkakaisa dahil malinaw aniyang pulitika ang motibo ng impeachment cases laban kay Vice President Sara Duterte.

Samantala, kinumpirma ng Office of the Vice President (OVP) na maglalabas ng video statement si VP Sara Duterte kaugnay ng rally ng INC.

Huwag Umepal

Nauna nang nanawagan ang Commission on Elections (Comelec) nitong Linggo sa mga aspirante sa 2025 national at local elections na umiwas sa pangangampanya sa peace rally.

Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, hindi sila magmomonitor sa naturang aktibidad bilang respeto para sa gagawing faith rally.

Umapela si Garcia sa mga politiko na iwasang pagsamantalahan ang mga relihiyosong kaganapan para sa pulitikal na pakinabang gaya ng binibigyang-diin noong Traslacion.

Noong nakaraang linggo, pinaalalahanan ng Comelec ang mga aspirante na huwag gamitin ang Kapistahan ng Jesus Nazareno upang palawakin ang mga ambisyon sa pulitika.

Binigyang-diin ni Garcia na ang mga okasyong panrelihiyon ay dapat manatiling malaya sa pakikialam sa pulitika.

Mapayapang Pagkilos

Naniniwala ang gobyerno na magiging mapayapa, matiwasay at makabuluhan ang National Rally of Peace ng Iglesia Ni Cristo (INC).

“Higit sa lahat, umaasa kami na ang mga ipapahayag na mga opinyon ay makakatulong sa paglilinaw sa mga usaping kinakaharap ng ating bansa at maghahatid sa atin sa tunay na pagkakaisa na ating inaasam,” ayon kay Executive Secretary Lucas P. Bersamin.

“Sa pagkilatis at pakikinig lamang sa lahat ng panig sa isang usapin ang siyang magdudulot ng kalinawan na ating hinahanap,” aniya pa rin.

Sinabi pa rin ni Bersamin na ang mapayapang pagtitipon ay maituturing na ‘bedrock right’ na ginagarantiya ng Saligang Batas, itinatangi ng mga tao at patuloy na itinataguyod ng administrasyong Marcos.

Kaya nga ang lahat ng ahensya ng pamahalaan ay inaatasan na huwag hadlangan ang karapatan na Iglesia ni Cristo na ipahayag ang kanilang saloobin.

Para sa Malakanyang, ang pagtitipon kahapon ay bahagi ng ‘national conversation’ na dapat ay mayroon ang lahat bilang tao upang magbigay ng kalinawan at consensus sa mga usapin na kinahaharap ng lahat at nakaaapekto sa hinaharap. (JOCELYN DOMENDEN/CHRISTIAN DALE)

92

Related posts

Leave a Comment