(BERNARD TAGUINOD)
HINAMON ng militanteng grupo sa Kamara ang Department of Justice (DOJ) na isuko na sa United States (US) authorities si Apollo Carreon Quiboloy dahil posibleng nagpapatuloy umano ang pang-aabuso nito sa kababaihan at kabataan.
“Hindi pwedeng hintayin lang ng Department of Justice (DOJ) ang extradition request ng US. Kailangang may gawing hakbang ang local agencies para masawata ang posibleng pagpapatuloy ng sex trafficking at pag-abuso sa kababaihan at bata na ginagawa ni Quiboloy. Hindi pwedeng wait-and-see lang ang tugon dito,” ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.
Pinatawan ng parusa ng United States (US) Department of Treasury ang spiritual adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa umano’y paglabag sa karapatang pantao at katiwalian.
Kasama si Quiboloy sa 40 indibidwal mula sa siyam na bansa sa mundo na pinatawan ng parusa kung saan ang kanilang mga ari-arian sa Amerika at mga business interest ay hindi na nila maaaring mapakinabangan.
‘We demand counterpart action from Philippine government. In fact, Quiboloy should have long been jailed,” ayon naman sa grupo ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel.
Sa kabila ng mga kinasasangkutang kaso ay hindi anila kumikilos ang gobyerno kaya hindi pa nakukulong ang founder ng Kingdom of Jesus Christ, The Name Above Every Name (KOJC).
Noong 2021 ay inilagay ng Federal Bureau of Investigation (FBI) si Quiboloy sa kanilang most wanted list dahil sa kasong rape at pang-aabuso sa mga kabataang miyembro KOJC.
Sinabi naman ni ACT party-list Rep. France Castro na bukod sa pagpapatapon kay Quiboloy sa Amerika para harapin nito ang kanyang kaso ay dapat ding imbestigahan aniya ang prangkisa ng kanyang SMNI.
“The franchise of Sonshine Media Network International should also be looked in to as it serves as a mouthpiece for Quiboloy who is wanted for child rape,” ayon sa kongresista.
Ayon pa sa mambabatas, nagagamit ang nasabing network sa paglabag sa karapatang pantao dahil dito nirered-tag ang mga kritiko ng administrasyon at mga aktibista.
