HAMON SA SUSUNOD NA PANGULO

HINDI bago ang kalakaran ng pag-ubos ng pondo ng mga nakatakdang bumaba sa pwesto kaya naman ang susunod na uupo – ­problema antimano kung saan huhugot sa unang sultada ng pamumuno.

‘Yan mismo ang sasalubong kay incoming President Ferdinand Marcos Jr. pagsapit ng araw ng kanyang panunumpa bilang ika-17 Pangulo sa Hunyo 30.

Bagama’t may karanasan bilang punong ehekutibo, higit na mataas ang antas ng pagsubok na haharapin ni Marcos – isa na rito ang P12.7 trilyong pagkakautang na iiwan ng paretirong ­Pangulong Rodrigo Duterte.

Katwiran ng Department of Budget and ­Management (DBM), lumobo ang utang ng bansa dahil sa malaking gastos ng pamahalaan sa pag­tugon sa pandemya. Pero teka, hindi ba’t may mga inilabas na ulat ang Commission on Audit (COA)?

Ayon sa COA, malaking bahagi ng natupok na pondo’y hitik sa iregularidad – kung hindi man hayagang katiwalian tulad ng paratang ng oposisyon.

Ang siste, tila minaliit ng DBM ang hamon sa susunod na administrasyon. Anila, hindi dapat katakutan ang utang.

Sa isang banda tama naman, lalo pa’t totoo namang malaki talaga ang ginastos ng pamahalaan sa pagtugon sa lintek na pandemya. Pero hindi pa rin angkop na ibaon sa limot ang mga sumingaw na bulilyaso – kabilang ang burikian sa ayuda, overpricing sa test kits, interim reimbursement mechanism ng PhilHealth, ang monopolyo ng mga piling supplier ng mga tiwali sa gobyerno, ang moro-morong bidding, mga ghost deliveries, substandard na medical supplies at marami pang iba.

Isa lang ang malinaw. Hindi nagamit nang wasto ang pondo.

Sa pagpasok ng bagong administrasyon, asahan ang limitadong serbisyong pangako ng su­sunod na Pangulo – hindi dahil sa tinatalikuran ni Marcos Jr. ang kanyang mga binitawang pangako kundi sadyang sinaid na ng administrasyong Duterte ang pondo para sa buong taon.

Kung pagbabatayan ang datos ng DBM, lumalaro sa 90% ng 2022 national budget ang nagamit na ng gobyerno ni Duterte.

Ang tanong, saan huhugot ng pondo ang susunod na administrasyon? Ayon sa mga dalubhasa sa ekonomiya, ni hindi sasapat ang nalalabing 10% sa 2022 national budget para tugunan ang nakaambang COVID-surge.

Dito natin makikita ang husay ng susunod na Pangulo. Abangan!

171

Related posts

Leave a Comment