Haydee Coloso-Espino: Pinakadakilang Pilipinang manlalangoy

Ni EDDIE ALINEA

ISA na namang dakilang atletang Pilipino ang ipinagluksa ng sambayanan noong nakaraang linggo sa pagpanaw ni Haydee Coloso-Espino, kinikilalang “reyna” ng swimming sa Asya noong bago pa lamang nagsisimula ang Asian Games noong dekada 50.

Si Haydee ay sumakabilang buhay noong Huwebes, Agosto 12, sa bayan ng Mandurriao sa Iloilo, 16 na araw bago sumapit ang kanyang ika-84 na taong kaarawan.

Isinilang noong Agosto 2, 1937 sa bayan ng Duenas, nagsimulang makilala si Haydee noong pangalawang edisyon ng Asiad na idinaos sa Maynila noong 1954, kung saan sa murang edad na 16 ay pinahanga niya ang mga nakalaban niya nang humakot siya ng dalawang medalyang ginto at isang ­medalyang pilak.

Ang Ilonggang manlalangoy ay nanggaling sa halos hulihan sa finals ng 100 metrong freestyle ngunit nagawa pa ring manalo ng ginto laban sa mga Haponesang sina Tomiko Atarashi at Shizue Miyabe sa punong-punong Rizal Memorial Sports Complex pool.

Tinulungan din ni Haydee ang pambansang koponan na makatapos ng 1-2-3 finish  sa 100m ­butterfly kasama sina Norma Yldefonso at Sandra von Giese, na nag-uwi rin ng silver at bronze medal.
Ang ikatlong medalya (silver) naman niya ay nakuha niya kasama sina Von Giese, Gertrudes Vito  at Nimfa Lim sa women’s 4 x 100m freestyle relay.

Ang dalawang gold at isang silver ni Haydee noong 1954 ­Asiad ay nakatulong ng malaki para ang Pilipinas ay makaipon ng kabuuang 45 medalya, ­segunda sa overall champion ng Japan na may 98 medalya.

Nagbalik si Haydee noong 1958 sa Tokyo at 1962 Asiad  para kolektahin ang isa pang ginto at apat na medalyang pilak para kilalaning “Greatest Female Swimmer” sa bansa.

Bago magretiro noong 1963, nakaipon siya ng 10 medalyang ginto, limang pilak at dalawang tanso upang maging Pilipino na may pinakamaraming napanalunang medalya sa Asian Games.

Siya at ang kapwa manlalangoy na si Jocelyn von Giese ang kauna-unahan namang mga Pilipina na nanalo ng gold medal sa Asiad. Kabilang din sila sa tatlong Pinay na umuwi mula Asiad na may sabit na tatlong medalya sa leeg, kasama si Mona Sulaiman.

Matapos ang 1954 Asiad, napili si Haydee na kumatawan sa bansa sa 1956 Melbourne Olympics, subalit hindi ito natuloy dahil sa kanyang pagdadalang tao bago ang Palaro.

Ang ipinagmamalaki ng Iloilo ay napiling Woman Swimmer of the Year sa tatlong sunod na taon (1953, 1954 at 1955) ng Philippine Sportswriters Association.

Sa pangalawang pagkaka­taon, si Haydee ay naitalagang representante ng bansa sa 1960 Summer Games sa Roma, ngunit sa kasamaang palad ay hindi siya nakalampas sa century free heat.

Tuluyan siyang nagretiro pagkatapos ng 1962 Asiad para ­magturo. Sandali siyang nanirahan sa ibang bansa pero muling bumalik sa kanilang bahay sa Iloilo para alagaan ang kanyang pitong

supling. Nagturo rin siya sa Far Eastern University, ang ­kanyang alma mater, Lyceum of the ­Philippines at Araullo High School hanggang nagretiro noong 1993.

Naidambana naman siya sa Philippine Sports Hall of Fame noong 2016 bilang kauna-unahang Pinay swimmer na nabigyan ng ganitong pagkilala.

Ngunit Enero 16, 2020 ay ipinasok siya sa Medicus Medical Center sa  Iloilo dala ng chronic respiratory infection.

158

Related posts

Leave a Comment