NAPAG-ALAMAN na halos walang tulugan ang ‘peg’ ngayon ni Quezon Governor Helen Tan.
Ito’y bunsod ng sunod-sunod na engagements o activities na dinadaluhan ng gobernadora mula nang ma-upo sa pwesto matapos manalo sa halalan noong Mayo.
Aba’y kasama sa mga aktibidad na ito ay ang online meeting niya sa Provincial Development Council, ang kauna-unahang pakikipagpulong ng masipag na lady governor, kasama ang organisasyon.
Kung hindi ako nagkakamali, naging sentro ng pagpupulong ang presentasyon ng Annual Investment Plan, alignment of programs sang-ayon sa HEALING Agenda, at direction for the development of province.
Nadiskubre din daw na maraming problemang kinaharap ang iba’t ibang sektor sa lalawigan.
Kaya ayon kay Gov. Helen, sa kanyang pagbisita sa 11 district hospitals, ay personal niyang nakita ang mga kakulangang dapat matugunan.
Siyempre, nariyan ang kakulangan sa mga pasilidad habang wala ring mga equipment at sapat na suplay ng gamot.
Nakita niya ang pangangailangang magdagdag ng iba pang medical services at maging ang kakulangan sa mga doktor at espesyalista.
“Pagdating sa imprastraktura, napansin ang mga problema sa pagkakagawa ng iba’t ibang proyekto na nagresulta sa pagkasayang sapagkat hindi naman nagagamit ang mga ito,” ayon kay Gov. Helen.
Kabilang sa mga dinalaw niya ay ang Doña Marta Memorial District Hospital sa Atimonan; San Narciso Municipal Hospital; Unisan Medicare Community Hospital; Gumaca District Hospital; Bondoc Peninsula District Hospital; at Quezon Science High School.
Sinasabing sa sektor ng edukasyon, malaking tulong din daw ang matatanggap ng mga mag-aaral sapagkat kasama sa agenda ang pagbibigay ng scholarships sa bawat estudyanteng nabibilang sa mahihirap na pamilyang Quezonians.
Ang HEALING Agenda, ang ibig sabihin, ay “bukas ito sa lahat ng sektor kahit hindi nabanggit sa mismong agenda, katulad na lamang ng mga kababayan nating may kapansanan.”
“Sa kabuuan, anumang sektor ang ating kinabibilangan, siguradong kasama tayo sa kalingang hatid ng healing agenda ni Gov. Tan,” wika pa ni Dra. Tan.
Bawat dinadaluhan niyang pagpupulong ay pawang produktibo.
Siniguro rin ng gobernadora ang mabilis na aksyon at implementasyon ng mga proyekto at programang tutugon sa mga problemang kinakaharap ngayon ng buong lalawigan.
Mapapa-“sana all” na lang talaga ang mga katabi at iba pang probinsya.
“Sana all” ay kasing sipag ni Gov. Helen Tan.
Mabuhay po kayo at God bless!
