PINURI ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri nitong Biyernes ang paglagda ni Pangulong Duterte sa batas na nagpapababa sa height requirements para sa gustong pumasok sa PNP, BFP, BJMP, at BuCor.
“This is great news for many Filipinos, and we thank the President for signing it into law. Marami tayong kababayang nakaabang dito, at sigurado po akong matutuwa sila sa balitang ito,” ayon kay Zubiri, principal author ng panukala.
“And of course we thank Sen. Bato Dela Rosa for passionately sponsoring this on behalf of his servicemen and women,” dagdag ng senador.
Sinabi ni Zubiri na inaamendahan ng Height Equality Act ang minimum height requirements para sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Bureau of Corrections (BuCor).
Sa ilalim ng batas, kailangan ngayon na may taas na 1.57 metro o 5 feet at 2 inches para sa kalalakihan at 1.52 metro (5 feet) sa kababaihan sa halip na 1.62 meters at 1.57 meters ayon sa pagkakasunod.
Bukod sa pagpababa ng height requirements, nagtakda rin ang batas ng waiver para sa height requirements na awtomatikong ibibigay sa aplikante na kabilang sa cultural communities/indigenous peoples.
“Napakarami nating kababayan na gustong-gustong maglingkod bilang pulis o bumbero—na hindi madadaling trabaho—pero nahaharang po sa application pa lang dahil kinapos lang ng kaunti sa height,” ayon kay Zubiri. “Kaya isinulong talaga natin itong batas na ito para mabigyan sila ng pagkakataong maglingkod sa bayan.” (ESTONG REYES)
