HERBOSA PINASISIBAK SA DOH

PINASISIBAK sa puwesto si Health Secretary Teodoro Herbosa ng mga tinaguriang “concerned employees” ng Department of Health (DOH) dahil sa umano’y walang habas at hindi makatarungang reshuffling at demotion ng ilang matataas na opisyal ng ahensya. Giit nila, ang mga galaw na ito ay walang sapat na batayan at mistulang pinapaboran lamang ang malalapit sa Kalihim.

“Kung kaya ng Pangulo na sibakin ang isang top-performing official tulad ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III dahil lamang sa hindi pag-uulat ng pagsibak sa kanyang deputy, dapat ding silipin ang mga galaw ni Secretary Herbosa na ginamit ang kanyang kapangyarihan upang manipulahin ang mga posisyon sa DOH pabor sa kanyang mga kakampi,” pahayag ng mga empleyadong humiling na manatiling hindi pinangalanan sa takot na sila’y pag-initan.

Sa panibagong reklamo na inihain sa Ombudsman, sinampahan nila si Herbosa ng mga kasong administratibo, paglabag sa Code of Conduct for Public Officials and Employees, at Graft and Corruption. Kasama rin sa reklamo sina Dr. Joel Buenaventura (OIC Director IV, Bureau of International Health Cooperation), Dr. Albert Domingo (OIC Assistant Secretary), at Ma. Kristina Marasigan (Director, Health Promotion Bureau).

Batay sa reklamo, inuna umano ni Herbosa ang pansariling interes at kapritso sa halip na isulong ang kapakanan ng publiko. Isang halimbawa ang umano’y pahintulot ni Herbosa kay Marasigan—isang dating beauty queen—na magsagawa ng pagbabakuna sa mga sanggol kahit wala itong lisensya. Sina Domingo at Buenaventura naman umano ang ginagamit ng Kalihim bilang tulay sa mga supplier, sa kabila ng malinaw na conflict of interest.

Mula Nobyembre ng nakaraang taon hanggang Hulyo ngayong taon, tinatayang mahigit dalawang dosenang opisyal ng DOH ang ni-reshuffle o ibinaba sa pwesto nang walang sapat na paliwanag o abiso. Kabilang dito ang ilang undersecretaries, assistant secretaries, at career officials.

Binatikos din ng mga empleyado ang umano’y “grave abuse of authority” ni Herbosa. Ilan sa mga opisyal ay inilipat-lipat sa loob lamang ng ilang araw. Halimbawa, si Dr. Aleli Annie Grace Sudiacal ay tatlong beses binigyan ng magkakaibang Department Personnel Order sa loob ng dalawang buwan. Si Roderick Napulan ay dalawang beses inilipat ng puwesto sa loob lamang ng ilang linggo, habang si dating Usec Rosario Vergeire ay inilipat mula sa Treatment and Rehabilitation Centers papunta sa Universal Health Care–Policy and Strategy Cluster sa loob lamang ng ilang araw.

Ayon sa reklamo, ang ginawang mass reshuffle ay nagpapakita ng “reckless disregard for continuity and stability,” na nagdulot ng paralysis at demoralization sa loob ng ahensya. Dagdag pa nila, ang pamumunong puno ng kalituhan at kapritso ni Herbosa ay nagbunsod ng destabilization sa DOH, sa panahong higit na kailangan ng publiko ang matatag na serbisyong pangkalusugan.

(PAOLO SANTOS)

46

Related posts

Leave a Comment