NADAGDAGAN ng mahigit isang milyon ang botante sa 2022 election sa tatlong linggong ekstensyon sa voters registration noong Oktubre.
Ito ang report ng Commission on Elections (Comelec) sa pagdinig ng House committee on suffrage and electoral reform na pinamumunuan ni Negros Occidental Rep. Juliet Marie Ferrer kaugnay ng paghahanda ng komisyon sa eleksyon.
Ayon kay Comelec Director Divine Blas-Perez, mula October 11 hanggang 30 ay umabot sa 1,198,350 ang nakapagrehistro na kinabibilangan ng 899,122 na bagong botante, 171,755 reactivation at ang iba naman ay mga Pilipinong nagrehistro sa kinaroroonang bansa para sa absentee voting.
Dahil dito, umaabot na umano sa 64,233,101 ang bilang ng mga Pilipino na maaaring bumoto sa May 9, 2022 national and local election na kinabibilangan ng mahigit 1.6 million overseas Filipinos.
Sinabi ni Perez na ang nasabing bilang ay ibinase sa updated report ng 95% ng kanilang mga tanggapan sa iba’t ibang panig ng bansa kaya inaasahan na lalaki pa ang bilang ng mga botante.
15 minuto sa presinto
Pinakilos naman ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang Comelec upang mabawasan ang 800 botante na itatalaga ng mga ito sa bawat presinto.
Sa nasabing pagdinig, lumalabas na hanggang 15 minuto ang gugugulin ng isang botante sa loob ng presinto kaya kung ganito kahaba aniya ang paghihintay, aabot ng 12,000 minuto bago matapos sa pagboto ang 800 botante o katumbas ng 200 oras.
Kapag nangyari aniya ito, mangangailangan ng 3 araw para makaboto ang 800 botante sa isang presinto.
Nangangamba ang mambabatas na maging dahilan ito para hindi makaboto ang maraming Pilipino. (BERNARD TAGUINOD)
266 